SA isang umpukan ng mga show promoters ay napagpistahan kung sinu-sinong singers at artista ang talagang kumikita ang mga concert sa malalayong probinsiya at sa ibang bansa.
Iba-iba ang kanilang mga kuwento. Merong singers na hanggang press release lang ang tagumpay ng mga shows, meron namang talagang tinatao, kaya paulit-ulit silang kinukuha ng mga promoters. Walang ibang nasabi ang isang miron sa umpukan kundi, “Nakakainis nga! Dapat, e, kumikita ang mga nagdadala ng shows sa ibang bansa, kaso, dahil sa dami ng entourage ng isang becking performer, e, halos wala na rin silang kinikita.
“Imagine naman, sobrang dami ng mga kasama niya. Eleven sila, as in eleven talaga ang entourage niya! Ayaw niya kasing mga staff ng production ang hahawak sa mga gagawin niya sa stage, kailangang sariling tao niya. “In fairness naman, kapag mga sariling tao niya ang nagha-handle ng wardrobe, repertoire at iba pang detalye sa concert niya, e, walang nagiging problema.
“Malinis ang palabas, walang delay, talagang kumpleto ang lahat ng kailangan ni ____ (pangalan ng becking performer). ‘Yun nga lang, dahil sa dami ng kasama niya sa biyahe, halos wala na ring kinikita ang mga producers at promoters sa kanya,” sabi ng source. At hindi lang ‘yun. Kapag nandu’n na ang performer ay bilang na bilang ang mga pupuntahan niyang sponsors para sa promotion ng concert niya.
“Limitado lang ang ibinibigay niyang venue, iilan lang, hindi tulad ng ibang singers o artista na kung sinu-sino ang dapat puntahang sponsors, go lang sila nang go! “May kaangasan pa siya, hindi nagugustuhan ng mga kababayan natin ang tabas ng dila niya sa mismong stage. Bradly Guevarra, kailangan mo pa ba naman ng clue kung sino siya?” pagtatapos ng aming impormante.