NAPAPANAHON ang pagpapalabas ng pelikulang Dukot na pinagbibidahan ni Enrique Gil, Shaina Magdayao, Ricky Davao at Christopher De Leon sa harap na rin ng pinaigting na kampanya ng gobyerno kontra katiwalian at kriminalidad.
Napakasimple ng istorya ng Dukot pero talagang base sa tunay na karanasan ang pelikula na ang director ay walang iba kundi ang mister ni Toni Gonzaga na si Direk Paul Soriano.
Pinatunayan dito ni Enrique na kaya niyang gumanap kahit wala ang kanyang ka-loveteam na si Liza Soberano.
Kwento ito ng mga nangyayaring korupsyon sa mga ahensiya ng pamahalaan, ang mga nangyayaring holdapan at kidnap-for-ransom sa bansa.
Pero sa kabila ng mga isyu ng kriminalidad at katiwalian, binigyan diin din sa pelikula ang pagmamahal ng magulang sa mga anak at ang kakaibang katangian ng pamilyang Pilipino. Napakaliwanag ng mensaheng ipinaabot ng pelikula, na gagawin ang lahat para sa pamilya.
Bato lang ang hindi iiyak sa huling tagpo ng pelikula, kung ano man yun, panoorin nyo na lang.
Magagaling din ang mga cast ng pelikula, na bagamat hindi mga sikat ay talagang tumulong para maging maganda ang kinalabasan ng pelikula.
Kasabay ng Dukot ang Imagine You And Me nina Alden Richards at Maine Mendoza kayat tiyak kong malaking hamon din para sa producer nito na sumabay sa pelikula ng AlDub.
Kung curious na kayo kung maganda ang pelikula, panoorin nyo ito para malaman kung sang-ayon kayo sa sinasabi ko.
Sa iskor na mula 1 hanggang 10, bibigyan ko ang Dukot ng 8. Kung hindi kayo sang-ayon, welcome po ang mga reaksyon.