Babalik pa ba ang nambabaeng mister? (2)

Sulat mula kay Rose Anne ng Luyahan, Pasonanca, Zambonga City
Problema:
1. Ako po ay may asawang nagtatrabaho sa isang telecommunication company. May dalawa kaming anak. Nagsimula ang problema nang madestino siya sa Luzon. Hindi niya na kami binalikan at sa darating na August 13 ay mag-iisang taon na po siyang hindi na umuuwi. Sa ngayon ay ako lang mag-isa ang bumubuhay sa mga anak namin.
2. May nanliligaw po sa akin na isang matandang balo kaya ito sana ang gusto kong malaman. Kung babalik pa kaya ang asawa ko? At pangalawa, kung sasagutin ko na ang matandang balo na ito na isinilang noong February 1, 1969 ay magiging maganda kaya ang buhay ko sa piling niya? Compatible po ba kami at kami na ba ang magsasama habangbuhay? October 13, 1988 ang birthday ko.
Umaasa,
Rose Anne ng
Zamboanga City
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Libra (Illustration 2.) ang nagsasabing sadya ngang ka-compatible mo ang lalaking balo na nanliligaw sa iyo na nagtataglay ng zodiac sign na Aquarius. Ang zodiac sign mong Libra at Aquarius naman siya ay compatible at magiging mapalad at pang habang panahon ang inyong magsasama.
Numerology:
Ang birth date mong 13 na may ruling planet na Sun/Uranus ay tugmang-tugma rin naman sa birth date na 1 ng matandang balo na iyong manliligaw sa kasalukuyan. Tulad ng sarili mong planeta, Uranus/Sun din ang ruling planet ng birth date ng iyong manliligaw na balo. Kaya sa sandaling kayo ay nagsama, itatala ang isang maligaya at maunlad na relasyon.
Luscher Color Test:
Sa panahon ng muling pag-aasawa, upang lalo pang tumibay ang pagmamahalan ay mas makabubuting lagi kang gumamit at magsuot ng kulay na pula at dilaw. Ang nasabing mga kulay ang magdadala sa iyo sa isang simple ngunit maligayang pagpapamilya habang buhay.
Huling payo at paalala:
Rose Anne, ayon sa iyong kapalaran huwag mo nang asahang babalik pa ang nawawala mong asawa. Bagkus ang isipin mo na lang sa panahon ngayon ay may karapatan ka rin namang lumigaya. Mangyayari at magaganap kung sasagutin mo na ang manliligaw mong balo na may zodiac sign na Aquarius, sapagkat bukod sa ka-compatible mo siya, sa sandaling siya ang iyong nakatuluyan at nakasama, sigurado na ang magaganap – sa ikalawang pag-aasawa, yayaman ka at habang buhay ka ng liligaya.

Read more...