Isinampa na kahapon ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang patung-patong na kaso laban kay dating Vice President Jejomar Binay, kanyang anak na si dating Makati Mayor Junjun Binay at mga opisyal ng Makati City Hall.
Si Binay ay sinampahan ng apat na kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, siyam na kaso ng Falsification of Public Documents at isang kaso ng Malversation.
Maaaring magpiyansa si Binay sa mga kasong ito para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang kaso ay kaugnay ng maanomalya umanong pagpapatayo ng Makati City Hall Parking Building na nagkakahalaga ng P2.28 bilyon. Sinimulan itong itayo sa termino ni Binay noong siya ang mayor ng siyudad at natapos sa termino ng kanyang anak.
May mga nauna ng kaso na isinampa ang Ombudsman laban sa nakababatang Binay na sinibak din ng sa puwesto matapos mapatunayang guilt sa administrative case.
Hindi naman kaagad naisampa ng Ombudsman ang mga kaso dahil bilang bise presidente ay mayroon siyang immunity. Noong Hunyo 30 natapos ang kanyang termino.
Ngayong araw naman nakatakdang i-raffle ang mga kaso upang malaman kung saang dibisyon ito didinggin.
Ayon sa Ombudsman, inaprubahan ng mag-ama ang resolusyon ng Bids and Awards Committee para sa naturang proyekto.
Minaniobra umano ang bidding ng mga proyekto upang mapunta ito sa kanilang napiling contractor— ang Mana Architectural and Interior Design at Hilmarc’s Construction.
Sinimulan din umano ang pagtatayo ng gusali bago pa man natapos ang design standards, contract plans, agency cost estimates, detailed engineering at programs of work nito.
Kasama sa kaso ng mag-ama sina Marjorie de Veyra, Pio Kenneth Dasal, Lorenza Amores, Virginia Hernandez, Mario Badillo, Leonila Querijero, Raydes Pestano, Nelia Barlis, Cecilio Lim III, Orlando Mateo, Giovanni Condes, at Ulysses Orienza.
Iniimbestigahan din ng Ombudsman si Binay kaugnay ng mga pag-aari umano nito na lagpas sa kanilang legal na kinikita base sa Senate inquiry.
Ilang ulit ng sinabi ni Binay na ang mga kasong ito ay bahagi ng pulitika dahil nagnais siyang maging pangulo ng bansa.
30
MOST READ
LATEST STORIES