Arellano Chiefs tatangkaing makisalo sa liderato

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
10 a.m. Perpetual Help vs San Sebastian (jrs)
12 n.n. Letran vs Arellano (jrs)
2 p.m. Perpetual Help vs San Sebastian (srs)
4 p.m. Letran vs Arellano (srs)
Team Standings: San Beda (3-0); Mapua (3-0); Arellano (2-0); Letran
(2-1); San Sebastian (1-1); Perpetual Help (1-1); EAC (1-2); JRU (1-2); LPU
(0-3); St. Benilde (0-4)

MAKIKISALO sa liderato ang Arellano University Chiefs na inaasahang sasandigan muli si Jio Jalalon sa pagsagupa nito sa nagtatanggol na kampeong Letran Knights sa tampok na laro sa 92nd NCAA seniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Una munang magsasagupa ang magkasalo sa ikalimang puwesto na University of Perpetual Help Altas at San Sebastian College Stags sa unang laro ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng tampok na salpukan sa pagitan ng nagsosolo sa ikatlong puwesto na Chiefs at nasa ikaapat na puwestong Knights sa ganap na alas-4 ng hapon.

Ipinamalas na halos lahat ni Jalalon ang buong kakayahan upang tulungan ang Arellano na magwagi sa bawat laro na makikita sa pangunguna nito sa liga sa puntos, assists at steals.

Dalawang laro pa lamang ay halos nakita na ang tila MVP na kalidad kay Jalalon sa pagtipon nito sa matataas na average na 28 puntos, pitong assists at limang steals na lahat ay league-best maliban sa kanyang pitong rebounds kada laro upang panatilihin ang Chiefs na may malinis na kartada.

Subalit nangangailangan ang ipinagmamalaking anak ng Cagayan de Oro City ng karagdagan sa itinala nitong numero sa pagsagupa ng Arellano sa napakadelikadong Letran sa ganap na alas-4 ng hapon.

“I will do everything to help my team win games, that’s all I want to do,” sabi ni Jalalon, na parte sa Gilas Cadet team na nanguna sa SEABA Championship sa Thailand dalawang buwan na ang nakaraan.

Pinahirapan ni Jalalon ang nakatapat na San Sebastian sa paghulog ng season-high na 33 puntos at 11 assists pati na ang league-record na walong steals sa nakamit nitong 99-91 panalo noong Hulyo 1.

Inaasahan din na magiging markado si Jalalon kontra sa Letran na pilit susundan ang maiigting na panalo kontra sa  Emilio Aguinaldo College, 76-72, at College of St. Benilde, 56-52.

“He’s hard to stop but we’ll do our best to slow him down,” sabi lamang ni Letran coach Jeff Napa ukol kay Jalalon.

Read more...