HINDI pa umano handa si Manny Pacquiao na umayaw sa pagboboksing.
Si Pacquiao, na sinabi sa kanyang huling laban noong Abril na magreretiro na siya, ay may planong bumalik sa boxing ring sa darating na Nobyembre laban sa katunggali na hindi pa pinapangalanan.
Sinabi ni Top Rank promoter Bob Arum kahapon na humingi na si Pacquiao ng permiso na magbakasyon sa kanyang tungkulin bilang senador para sumabak sa isa pang laban. Gaganapin naman ito sa Nobyembre 5 at posible itong gawin sa Las Vegas, Nevada, USA.
“He likes to fight and he likes the attention,” sabi ni Arum patungkol sa pagbabalik ni Pacquiao sa ring.
Naging impresibo si Pacquiao sa huling laban niya noong Abril kung saan pinatumba niya si Timothy Bradley tungo sa pagtala ng unanimous decision na panalo. Matapos ang laban ay mukhang nagdadalawang isip na ito sa naunang plano na magretiro.
“If you ask me to come back I don’t know,” sabi ni Pacquiao. “I may be enjoying retired life. I’m not there yet so I just don’t know.”
Ang dating Sarangani congressman na si Pacquiao ay nahalal sa Senado nitong Mayo at marami ang nabahala na tuluyan ng hihinto ito sa pagboboksing. Ngunit sinabi ni Arum na sinabihan na si Pacquiao na puwede siyang lumaban matapos ang budget hearing sa Oktubre 15.
“He would train in the Philippines and leave on the 16th to come to the U.S., train for two weeks and then come to Vegas,” sabi ni Arum. “The only issue is getting an arena for the fight.”
Subalit itinanggi naman kahapon ni Pacquiao ang ulat na magbabakasyon siya sa Senado para bumalik sa boxing ring.
Sa pahayag na lumabas sa kanyang opisyal na Facebook page, sinabi ni Pacquiao na prayoridad niya ngayon ang paggawa ng batas.
“There is no truth to media reports that I’m planning to take a leave from my Senate duties just to fight again atop the ring. I want to make it clear–my priority is my legislative works,” sabi ni Pacquiao.
“I owe it to the people. If ever I decide to fight again, rest assured it will happen when Congress is on recess so there’s no need for me to go on leave.”