SA naging desisyon ng United Nations Permanent Court of Arbitration kung saan na pinaboran nito ang petisyon ng Pilipinas kontra China, dapat na bigyang pagkilala ang administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na siyang masigasig na nagtrabaho para manalo ang ating bansa.
Ilang taon ding tinrabaho ng dating administrasyon ni Aquino ang isyu kung saan nagpadala ng mga kinatawan para sa mga isinagawang pagdinig ng International Tribunal.
Kabilang sa mga naging kinatawan ng Pilipinas ay sina dating Foreign Affairs secretary Albert del Rosario, dating Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr., dating Defense secretary Voltaire Gazmin, dating Justice secretary Leila de Lima, dating Solicitor General Francis Jardeleza at Florin Hilbay, Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, dating Chief Presidential Legal Counsel at ngayon ay Associate Justice Benjamin Caguioa, Sandiganbayan Justice Sarah Fernandez, dating undersecretary Emmanuel Bautista at dating deputy executive secretary Menardo Guevarra, dating assistant secretary Henry Bensurto Jr. at dating undersecretary Abigail Valte.
Mismong si Aquino ang nagsabi na tagumpay ng lahat ang naging desisyon ng International Tribunal.
Dahil lumabas ang desisyon sa panahon na ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, inaasahan namang ipagpapatuloy ng kasalukuyang nakaupo ang nasimulang paninindigan ng nakaraang gobyerno.
Wala pang maliwanag na pahayag ang Palasyo sa naging desisyon ng International Tribunal bagamat nauna nang nagbigay ng pahayag si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay.
Nakulangan naman ang karamihan sa naging reaksyon ni Yasay.
Pagkatapos niyang basahin ang kanyang pahayag, hindi na nagpaunlak ng mga tanong si Yasay sa mga miyembro ng media.
Naging malinaw naman ang posisyon ng nakaraang administrasyon na isinusulong nito ang mapayapang resolusyon sa West Philippine Sea kayat iniakyat nito ang isyu sa International Tribunal.
Umaasa naman tayo na magiging masigasig ang administrasyon ni Duterte sa pagsusulong ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea lalo na at may pinanghahawakan na tayo na desisyon ng International Tribunal.