HINDI makaatras dahil sa posibleng multa ang Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) sa hindi nito inaasahang problema hinggil sa paglahok sa dalawang magkasunod na internasyonal na torneo para sa Under 19 dahil sa kawalan ng pasaporte ng nakuha nitong mga manlalaro sa pambansang koponan.
Napag-alaman mismo kay LVPI president Jose “Joey” Romasanta na nakatakdang lumahok ang bansa sa 2016 South East Asian Women’s U19 Volleyball Championships na gagawin sa Si Sa Ket, Thailand simula Hulyo 16 hanggang 20.
Sunod itong lalahok sa SMM 2016 Asian Est Cola Women’s U19 Championship na gaganapin naman sa Nakhon Ratchasima, Thailand simula Hulyo 23 hanggang 31.
Problemado ang LVPI dahil kinakailangan na nitong ipadala ang listahan ng komposisyon ng koponan dahil hindi pa nito matukoy kung sinu-sino ang matitira sa napiling mga manlalaro para sa binubuo nitong Team Pilipinas Under 19 na napili nito mula sa isinagawang tryout.
Walong koponan ang sasabak sa 2016 South East Asian Women’s U19 Volleyball Championships kung saan magkakasama sa Pool A ang host Thailand, Philippines, New Zealand at Singapore. Nasa Pool B ang Vietnam, Indonesia, Malaysia at Australia.
Una nang napili ang mga manlalaro na sina Ma. Shaya Adorador, Kathleen Faith Arado, Rachel Austero, Ria Beatriz Glennell Duremdes, Necelle Mae Gual, Mikaela Juanich, Diane Latayan, Angeline Marie Magundayao Mary Anne Mendrez, Jasmine Nabor Princess Ordonez, Seth Rodriguez, Bianca Tripoli at Jeanetter Villareal.
Ang SMM 2016 Asian Est Cola Women’s U19 ay magkakasama ang host Thailand, Sri Lanka at Vietnam sa Pool A habang nasa Pool B ang defending champion China, Kazakhstan, Hong Kong at New Zealand. Nasa Pool C ang Japan, na pumangalawa sa huling edisyon ng torneo, India, Macau at Iran habang ang Korea, Chinese Taipei, Australia at ang Pilipinas ay nasa Pool D.
“Nakuha ang mga gusto nating players sa isinagawang tryout pero 10 sa 15 ay walang mga passport. Kaya ang sinabi ko sa coaching staff ay kung sino sa mga nag-tryout ang mayroong passport ay ireserba na agad kung hindi maihahabol maikuha ng dokumento ang mga napili,” sabi ni Romasanta.