Ex-BF ni Sexbomb dancer Sugar Mercado gagawin ang lahat masolo lang ang mga anak

MARAMING  nahabag sa dating co-host ni Willie Revillame, ang dating Sexbomb dancer ng Eat Bulaga na si Sugar Mercado, dahil sa ginawa niyang pagsusumbong sa publiko tungkol sa diumano’y ginagawang pangmamaltrato sa kanya ng ama ng kanyang mga anak.
Humahagulgol na naglabas ng kanyang sama ng loob si Sugar sa video, naghahalu-halo ang kanyang luha, pawis at laway sa kanyang pananaghoy, kinukuwestiyon niya kung bakit siya pang nagmamahal at nagmamalasakit sa kanyang mga anak ang ipinakukulong ng lalaking matagal din niyang nakasama at minahal.
Kinasuhan siya ng child abuse ng ama ng kanyang mga anak, lumaban si Sugar, ayon sa dancer ay naipanalo niya ang laban pero nag-apela pala ang lalaki.
Nakakalokang panoorin ang kanyang video, marami siyang kuwento na hindi naman naiintindihan ng mga tumututok sa kanyang mga hinaing, sana raw ay sa husgado na lang nagsumbong si Sugar Mercado at hindi sa social media.
Parang wala na siyang mapuntahan, ginagamit daw ng lalaki ang pera at koneksiyon nito, kaya pati ang kanyang ina ay gusto ring ipakulong ng ama ng kanyang mga anak.
Matagal na niyang dinadala ang ganitong problema, harinawang may magawa ang kanyang abogado para manatili sa kanya ang custody ng kanyang mga anak, sana’y magkaroon na ng kapayapaan ng kalooban si Sugar Mercado.
Magkaroon na sana sila ng komunikasyon ng dati niyang karelasyon na ayon sa dancer ay ginagawa ang lahat-lahat ng paraan para mawalan siya ng karapatang makasama at palakihin ang kanilang mga anak.
Nakakaawa naman ang mga bata na walang kasalanan sa kanilang problema. Kailan pa ba nagkaroon ng karapatang makapamili ng mga magulang ang mga supling?

Read more...