NAGING emosyonal si Dominic Ochoa sa last taping day ng Super D noong Miyerkules sa Our Lady of Victory Church, Potrero, Malabon kung saan kinunan ang eksenang magre-renew sila ng vow ni Bianca Manalo bilang mag-asawa sa serye.
Kaya napaiyak ang aktor ay dahil hindi niya sukat akalain na sa edad niyang 42 ay mararanasan pa niyang maging bida at superhero pa. Kaya sobrang nagpapasalamat siya sa ABS-CBN at Dreamscape sa tiwalang ibinigay sa kanya.
Sabi ni Dominic, “Yung tiwala, ‘yung paghihirap nila, ng staff, so, thankful lang talaga. I’m overwhelmed more than nalulungkot.”
Dagdag pa ng aktor, “Let’s face it, it could have been Jake (Cuenca), Gerald (Anderson) at ‘yung matitikas nating artista sa ABS-CBN, but I’m so thankful up to now na nabigay sa atin ‘yun.”
“Pati mga ibinigay na tiwala sa akin ng writers whom I worked pa in May Bukas Pa, tiwala sa akin ng directors, kasi siyempre sila ang magtitiwala sa akin kung anong tono ang kailangan nating sundan, it’s a great responsibility na mabigat.
“Actually, hindi madaling maging superhero, with all the harness, ‘yung init ng summer, ‘yung suit (costume na makapal), hindi naging madali para sa amin lahat ‘yun pero nakayanan naman with the help of everyone,” aniya pa.
Kuwento nga nina Direk Lino Cayetano at Frasco Mortiz, sobrang hirap daw ‘yung eksenang kunwari lumilipad si Super D nang pantay dahil kailangan balance ang katawan niya.
“Kaya nga naka-costume rin ng green ‘yung mga staff para sa green background (for special effects), sila kasi yung aalalay kay Super D, dalawa ‘yun, nakahawak sa paa at kamay, takip ang buong mukha nila, kaya hindi talaga madali. Okay pa pag papalipad, nakataas ko kaya pababa kasi nakatali sa gitna.”
Puring-puri rin ni Dominic ang staff at crew ng serye, sila raw talaga ang superhero sa Super D dahil sa hirap, pagod at stress na dinanas ng mga ito kaya nga raw siya bumuo ng isang Instagram account na dedicated lang sa production staff ng serye.
Hindi naman itinanggi ni Dom na hirap na hirap siya kapag naka-harness na dahil masakit daw sa bilbil at kapag mali ang pagkakabit ng tali ay naiipit ang laman-laman niya.
Natanong din si Dom kung tatanggap pa rin siya ng supporting role since nagbida na siya, “Oo naman, game ako. I’m open to that. Sanay naman tayo du’n. This was just an opportunity that was given to me.
Nami-miss ko na nga ang supporting role.”
Tinanong namin kung bakit na-miss niya ang maging support, “I don’t call it supporting role, most of the roles given to me are character roles, may iba ring twist ‘yung supporting role na mapaglalaruan mo, at walang pressure (kasi nga hindi naman siya ang bida).”
Nabanggit ni direk Frasco na open ending ang Super D kasi nga marami pang puwedeng mangyari sa buhay ng Pinoy superhero at posible pa nga raw itong gawing pelikula. Kaya panay ang kantiyaw ni Dom sa gumaganap na anak niya sa serye na si Marco Masa ng, “O, makikinig ka, kasi ikaw na ang susunod na lilipad!”
Dalawang linggo pang mapapanood ang Super D bago mag-TV Patrol at marami pang mangyayari na dapat abangan ng viewers.
Ilan sa nakita naming members ng cast nang bumisita kami sa last taping day ng serye ay sina Bianca Manalo, Atoy Co, Marina Benipayo, Bong Regala at Sylvia Sanchez.