Si Marcelo Garbo sa mata ko

SA limang police generals na idinawit ni Pangulong Duterte, si Marcelo “Bogart” Garbo ang pinakamataas ang ranggo (three stars).

Marami rin ang namangha, kasama na ang inyong lingkod, sa pagkakasangkot kay Bogart.

Ang pagkakakilala ko kay Bogart ay siya’y matino o morally upright.

Pero hindi ko kinikuwestiyon ang sinabi ni Mano Digong dahil marami siyang pinagkukunan ng impormasyon bilang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Sa ngayon ay hindi muna ako maghuhusga kay Garbo base sa paratang sa kanya ng Pangulo.

Si Bogart ay isang opisyal na hindi kinonsinte ang mga masasamang gawain ng kanyang mga tauhan noong siya’y pinuno pa ng National Capital Region Police Office o NCRPO.
Mabilis si Bogart sa pagpataw ng parusa sa mga pulis na nang-agrabiyado sa mga sibilyan.

Ang aking public service program, “Isumbong mo kay Tulfo,” ay saksi sa pagiging mabagsik ni Bogart sa mga abusadong pulis sa Metro Manila.

Madaling nalalapitan si Bogart ng mga sibilyan na inapi ng mga pulis.

Ang mga sibilyan na may reklamo laban sa mga pulis ay nasasamahan namin sa opisina ni Bogart sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, at sa Camp Crame noong siya’y na-promote bilang deputy director general for administration ng PNP.

Sinabi ko kay Bogart nang minsang nag-lunch kami na kapag siya’y naging PNP chief magiging matino ang mga pulis sa buong bansa dahil siya’y estrikto.

Kung siya’y mahigpit sa kanyang mga tauhan, ganoon din siya kabagsik sa mga masasamang-loob, sabi ng mga tauhan niya at kaibigan.

Hindi ko pinagtatanggol si Bogart sa akusasyon ni Pangulong Digong na siya’y protektor ng mga drug lords because I don’t have the resources that the Chief Executive has.

Sinusulat ko ito upang sabihin sa mga mambabasa ang pagkakaalam ko sa pagkatao ni Bogart.
Siya ay isang professional noong nasa serbisyo pa siya.

Kung totoo ang akusasyon ng Pangulo kay Bogart, kailangang bigyan siya ng matinding parusa.

Walang dapat sinasanto sa kampanya laban sa droga at kriminalidad.
Pero kung siya’y napatunayang inosente, kailangan din na humingi sa kanya ng patawad.

Sa kampanya laban sa droga, hindi dapat pinaliligtas ang mga places of worship o lugar ng sambahan.

Hindi dapat ginagamit ang Diyos sa mga kriminal na gawain.

According to intelligence reports, may mga places of worship kung saan ay lantarang nagbebentahan ng shabu.

Ang dahilan kung hindi ginagalaw ang mga lugar ng sambahan ay ayaw ng gobyerno na maakusahan ng religious persecution.

Mabait at magandang makitungo si Pangulong Digong, ani Vice President Leni Robredo matapos silang magkita sa Malakanyang noong Lunes.

Kahit na si Ma’am Leni ay hindi inalok ni Mano Digong ng puwesto sa kanyang Gabinete, sinabi ng Pangulo na bisitahin siyang madalas ng vice president sa Palasyo at tulungan siya sa pagpapatakbo ng bansa.

Kapag dinalasan ni Ma’am Leni ang pagdalaw niya kay Sir Digong sa Palasyo, magugustuhan niya ang pag-uugali ng bruskong Pangulo.

Who knows, baka maging malapit na magkaibigan ang dalawa.

Read more...