INAMIN nina Rhian Ramos, Rafael Rosell at Kiko Estrada na ramdam na nila ang pressure sa nalalapit na pagpapalabas ng bagong afternoon drama series ng GMA 7, ang TV remake ng classic film na Sinungaling Mong Puso.
Ito ay ipinalabas noong 1992 sa direksiyon Maryo J. Delos Reyes na pinagbidahan nina Vilma Santos, Aga Muhlach at Gabby Concepcion. Si Rhian ang gaganap sa role ni Ate Vi sa movie version nito, habang sina Rafael at Kiko ang bubuhay sa karakter na ginampanan nina Gabby at Aga. Sa pocket presscon na ibinigay ng GMA sa tatlong bida ng serye, sinabi ng mga ito na hindi muna nila pinanood ang pelikula para hindi maapektuhan ang gagawin nilang atake sa kanilang mga role.
Battered wife ang drama rito ni Rhian bilang si Clara na laging binubugbog ng kanyang asawang si Roman (Rafael). Sa gitna ng kanyang paghihirap sa piling ni Roman, makikilala niya si Jason (Kiko) na 10 taon ang agwat ng edad sa kanya ngunit sa kabila nito, papayag pa rin siyang maging kabit ni Kiko – at dito na nga magsisimula ang conflict ng istorya. Ayon kay Rhian, grabe ang pressure sa kanya ng nasabing proyekto dahil nga bukod sa pagganap sa isang role na pinasikat noon ni Ate Vi, matitindi rin ang mga eksenang kailangan niyang gawin dito.
“It’s a dream come true for me, I feel like marami akong matututunan sa show na ‘to. And refreshing yung feeling na iba naman ang mga katrabaho ko sa teleserye. And just any role na nabigay sa isang Vilma Santos, sobrang saya for me to be able to play the same role, pero of course, nakakakaba,” chika ni Rhian. At tulad ng dalawang leading man niya sa Sinungaling Mong Puso, todo rin daw ang ginagawa niyang pagpapaseksi para sa sexy twist ng bago niyang proyekto under the direction of Ricky Davao.
“My question nga kay direk at sa production, kasi di ba, sa afternoon kami ipalalabas, kaya bang iere yung mga maseselang eksena namin sa ganu’ng timeslot? Pwede naman daw, kasi halos lahat daw ng mga bata nasa school pa sa oras na ‘yun. Ok, fine! Basta I’m gonna do my best at ipakita sa kanila yung kakaibang Rhian,” kuwento pa ng Kapuso actress.
Kung napanood n’yo ang movie version nito, talagang medyo “for adults only” ang karamihan sa mga eksena nina Vilma, Aga at Gabby kaya exciting abangan kung paano ang gagawing atake ni direk Ricky sa TV remake nito.
“Sana ‘yung mga nakapanood ng pelikuka before, we hope na ma-appreciate rin nila ‘yung gagawin namin. We made sure na magiging iba naman ito kasi very different naman yung time na ipinalabas yung kina Ms. Vilma Santos, yung mapapanood nila ngayon is tamang-tama naman sa generation ngayon,” paliwanag naman ni Rafael.
Dagdag pa niya tungkol sa kanyang role bilang umbagerong mister, “I want to look at the psychology of his character kaya parang high expectations din ako dahil I’m also expecting that they’d allow me to play the role just as Gabby enjoyed his role from a blank canvass.”
For his part, handang gawin ni Kiko ang lahat para mabigyan ng justice ang role na ibinigay sa kanya na ginampanan noon ni Aga, “Ako kasi for me, I treat this show na parang love. I give my all so I made sure I am fit, I am suited for my role. As you can see, Rhian is perfect – so beautiful so gusto ko sana mapantayan yung aura niya na yun.”
Makakasama rin sa Sinungaling Mong Puso sina Jazz Ocampo, Stephanie Sol, Michael de Mesa, Glydel Mercado, Cheska Diaz, Sherilyn Reyes-Tan, Gee Canlas, JC Tiuseco at Gab de Leon. Magsisimula na ito sa July 18 sa GMA Afternoon Prime.
Sigurado kaming bantay-sarado na naman sa MTRCB ang programang ito ng GMA dahil nga maselan at sensitibo ang tema ng programa, lalo pa’t ipalalabas ito sa hapon. Pero knowing GMA naman, sure rin kami na magiging careful sila sa mga eksenang mapapanood sa Sinungaling Mong Puso tulad din ng mga naging kontrobersiyal nilang afternoon series noon.