Koalisyon ng partylist watak-watak

MUKHANG hindi nakatiis si Edcel Lagman na nagbabalik sa Kamara de Representantes bilang kongresista ng Albay.

Nagpalabas si Lagman ng press release noong nakaraang linggo at sinabi na mayroong balak na magkaroon ng company union ang mayorya at minorya sa Kamara.

Ang nais ipabatid ni Lagman sa publiko ay hindi magiging kritikal ang oposisyon sa Kamara sa administrasyong Duterte.

Hindi tuwirang pinangalanan ni Lagman si Quezon Rep. Danilo Suarez na kanyang pinatutungkulan.
Si Suarez kasi ay nakipag-usap sa mga taga-administrasyon at ipinahayag ang kanyang pagnanais na maging lider ng House minority bloc.

Tumakbo si Suarez sa ilalim ng United Nationalist Alliance, ang partido ni dating Vice President Jejomar Binay.

Bukod kay Suarez, ang miyembro ng UNA na si Navotas Rep. Toby Tiangco ay gusto ring maging minority leader. Kung nanalo si Binay, si Tiangco ang matunog na gagawing speaker ng Kamara.
Hindi ito ang unang pagkakataon na binabangga ni Lagman si Suarez.

Noong 15th Congress, nagbanggaan na rin ang dalawa. Mayroong usapan ang dalawa noon na term sharing sa pagiging lider ng House minority bloc.

Si Lagman ang unang umupo pero nakipaghilahan pa siya kay Suarez, na kinampihan ng grupo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, para hindi siya maalis sa puwesto.

Posibleng magbanggaan muli ang dalawa matapos na lumutang ang pangalan ni Lagman sa mga maaaring maging minority leader.

Kilalang palaban itong si Lagman at kahit na ang Simbahang Katolika ay hindi niya inurungan kaya naipasa ang Reproductive Health law.

Si Lagman ay miyembro ng Liberal Party na hanggang ngayon ay wala pang coalition agreement sa PDP-Laban, ang partido ni Pangulong Duterte.

May mga nagsasabi na umaabot pa sa 40 ang bilang ng LP na hindi pa lumilipat sa PDP-Laban, o sa ibang partido na umanib na rito.

Kung totoo ito ay mukhang tagilid si Suarez na makuha ng liderato ng minorya dahil mas konti ang UNA kaysa sa LP.

Pero siyempre, hindi pa rin naman nagdedesisyon si Quezon City Rep. Sonny Belmonte Jr., House Speaker ng Aquino government. Kung magdedesisyon siya na maging minority leader ay maaari na siya ang makakuha ng puwesto.

Ang akala ng marami ay solid ang Partylist Coalition sa Kamara.

Nagsama-sama ang iba’t ibang partylist group na nanalo sa halalan upang magkaroon sila ng malakas na boses sa Kamara.

Pero mukhang may power struggle sa loob ng kanilang koalisyon.

Nagbabanggaan ang isang third term congressman at isang neophyte solon kung sino sa kanilang dalawa ang magiging lider ng koalisyon.

Ang Partylist Coalition ay sumusuporta rin sa Duterte government.

Siyempre ayaw pumayag ng mga beterano na isang baguhan lamang ang mamumuno sa kanila.

Pero may magagawa ba sila, kahit pa sabihin na matagal na sila sa Kamara, kung ang binasbasan ng pamunuan ng pamahalaan ay ang baguhin na sumuporta sa kanila noong halalan.

Read more...