7 patay sa sunog

Fire-620x358

Pito katao, karamiha’y menor de edad, ang nasawi sa magkahiwalay na sunog sa Capiz at Camarines Sur Lunes ng gabi at Martes ng madaling-araw, ayon sa mga awtoridad.

Sa unang insidente, nasawi ang magkakapatid na Alvin, 9; Angel, 8; at Ashley Padua, 2, sabi ni Supt. Renato Marcial, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection.

Nagsimulang masunog ang bahay ng mga Padua sa Brgy. Molit, Jamindan, Capiz, alas-10:35 ng gabi, aniya.

Umabot sa First Alarm ang apoy at naapula alas-10:50, ani Marcial, sabay dagdag na inaalam pa ang sanhi ng apoy.

Ang ama lang ng mga bata ang kasama nila dahil nagtatrabaho sa ibang bansa ang ina, pero nang gabing iyo’y natiyempuhang wala rin sa bahay ang tatay dahil may binili sa tindahan, ayon sa isang ulat sa radyo.

Samantala, nasawi ang mag-asawang matanda at dalawa nilang apo sa isa ring sunog sa Sipocot, Camarines Sur, dakong alas-4:40 ng umaga.

Nasawi ang negosyanteng si Antonio Lipiao, 70; misis niyang si Alicia, 69; at mga apo nilang sina Shobie, 14; at Alexie Espiritu, 12, sabi ni Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.

Natupok ang gusali kung saan nakatira at may auto and construction supply shop ang mga Lipiao, sa San Juan Ave., Brgy. South Centro.

Hinihinalang nagsimula ang apoy sa electrical short circuit sa receiving o cashier area ng establisimyento, ani Calubaquib.

Naapula ang sunog alas-9 ng umaga at tinatayang P3 milyon ang halaga ng pinsala, ani Calubaquib.

Mayroon umanong highly flammable materials gaya ng pintura at thinner sa establisimyento kaya mabilis kumalat ang apoy, ayon sa ulat sa radyo.

Unang natagpuan ang bangkay ng mag-asawang Lipiao, at nakita ang bangkay ng mga apo sa banyo, sabi pa sa ulat.

Read more...