Jennylyn payag maka-loveteam si Alden sa ‘My Love From The Star’

jennylyn mercado at alden richards

TATANGGAPIN ni Jennylyn Mercado kung ibibigay sa kanya ng GMA ang Pinoy version ng Korean hit series na My Love From The Star na pagbibidahan ni Alden Richards.

Kahapon sa presscon na ibinigay ng GMA kay Jennylyn pagkatapos niyang pumirma ng bagong kontrata sa Kapuso network, natanong ang tinaguriang Ultimate Star kung tuloy na ba ang unang pagtatambal nila ni Alden. Inamin ni Jen na may mga pinaplano na ang GMA para sa susunod niyang mga project, “Sa ngayon po everything is in the works, pero magtratrabaho na po ako ASAP!” ang paniniguro ng Kapuso RomCom Queen.

Pero hindi pa raw siya sure kung kasama na rito ang seryeng pagtatambalan nila ni Alden, “Hindi ko pa po alam wala pa po akong update.” Tinanong namin ang aktres kung papayag ba siya sakaling ialok nga sa kanya ang nasabing proyekto?

“Bakit naman hindi? Trabaho ‘yan, blessing ‘yan at magandang opportunity para sa akin. Ibang concept naman, di ba? Sa lahat ng ginagawa ko sa GMA na puro drama, cooking show tapos hosting maganda rin kung susubok ako ng ibang lasa, ng ibang genre.” Bago pa pumirma ng bagong exclusive contract si Jennylyn sa GMA, may mga tsismis na may offer din daw sa kanya ang ABS-CBN. Ito ba ang rason kung bakit natagalan ang pag-renew ng kanyang contract?

“Hindi naman po talaga natagalan, marami lang kailangang ayusin kasi marami rin po kaming ginagawa, I’m sure busy din po sila, hindi lang nagmi-meet yung schedule,” paliwanag ng hot mama na ayaw ding sabihin kung ilang taon tatagal ang kanyang pagiging exclusive artist ng Kapuso network. “Basta matagal. Importante pa ba kung gaano katagal? Ang tagal-tagal ko na nga, di ba? Hanggang ngayon nandito pa rin ako. Pamilya pa rin ako dito sa GMA.”

Ayon naman sa business manager ni Jen na si Katrina Aguila, “We never offered Jen sa kabilang network. Di ba, as managers it is our responsibility to explore all options. But the artist insisted na huwag umalis sa network so we will follow what the artists wants.” Ano naman ang reaksiyon niya sa bagong title niyang Ultimate Star?

“Of course I am humbled and grateful, sabi ko medyo hindi ako comfortable na tinatawag ng title-title pero salamat po, maraming salamat at binigyan n’yo po ako ng ganu’ng titulo. And siyempre, may konting pressure kasi kailangan mong ma-meet ‘yung expectations ng mga tao pero napakasarap sa pakiramadam.”

May nagtanong naman kay Jennylyn kung bakit nananatili siyang loyal sa GMA, tugon ng award-winning actress, “Palagi ko pong sinasabi na eversince bawat taping ko, bawat trabahong ginagawa ko sa GMA hindi siya trabaho, eh. Kasi ito yung comfort zone ko.

“Masarap makatrabaho ang production staff, yung mga director. Masarap magtrabaho kasi parang pamilya ang turing nila sa ‘yo at hindi ibang tao. Maraming dahilan, like ang babait ng boss natin. Masarap katrabaho ang mga co-artist natin at sa tingin ko hindi na mapapantayan ng kahit ano ‘yun. Parang bahay mo na sila na inuuwian mo araw araw,” esplika ni Jen.

Samantala, binati naman ni Jen si Jessy Mendiola na siyang nanalong Sexiest Woman sa online poll ng FHM, “Of course I’m happy. Si Jessy naman, nakita naman natin kung gaano siya ka-voluptuous. Lahat naman tayo may kanya kanyang kaseksihan. So, happy ako for Jessy and deserve naman niya ‘yun.”

Read more...