Palasyo sinabing tuloy-tuloy ang pakikipagdayalogo sa Abu Sayyaf sa harap ng banta ng pagpugot sa mga bihag

abu-sayyaf

SINABI ng Palasyo na tuloy-tuloy ang pakikipagdayalogo ng administrasyon ni Pangulog Rodrigo Duterte sa bandidong Abu Sayyaf sa harap ng panibagong banta ng teroristang grupo na pupugutan ang mga natitirang bihag.

Sa isang panayam, idinagdag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Martin Andanar na si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza ang itinalaga para makipagnegosasyon sa Abu Sayyaf.

“Nabanggit na po ito ni Secretary Jess Dureza na siya po ay nagpadala ng mga tao para kausapin po ang Abu Sayyaf para po sa release ng mga hostages. Of course, ito po ay tuloy-tuloy hanggang sa ma-release po ang kahuli-hulihang hostage,” ayon kay Andanar.

Ito’y matapos naman ang panibagong banta ng bandidong grupo na mamumugot uli ito sakaling mabigo ang bagong administrasyon na makipagdayalogo sa kanila.

“Well, ito naman ay nabanggit din ni Secretary Jess Dureza na kung ano man ang nakasaad sa United Nations sa pagtrato sa Abu Sayyaf ay ganun din po ang stand ng ating gobyerno,” sabi pa ni Andanar.

Samantala, inamin naman ni Andanar na hindi napag-usapan sa nakaraang pulong ng Gabinete ni Duterte noong Huwebes ang isyu hinggil sa patuloy na banta ng terorismo.

Noong Sabado, panibagong insidente na naman ng terorismo ang naitala sa Bangladesh kung saan maraming mga banyaga ang namatay. Ito’y nangyari ilang araw lamang matapos ang pag-atake sa Istanbul, Turkey kung saan marami rin ang nasawi.

Read more...