Imee Marcos pabor sa death penalty ni Duterte

SA harap ng paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang death penalty, sa pamamagitan ng pagbigti, isa si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang nagpahayag ng pagsuporta sa isinusulong ng bagong administrasyon na parusang kamatayan para sa mga heinous crimes, partikular sa mga sangkot sa iligal na droga.

Hind maikakaila na napakalala ng problema ng droga sa bansa dahil na rin sa sunod-sunod na pagkakadiskubre ng kilo-kilong halaga ng shabu sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Hindi rin lingid sa atin na sa kabila na maraming napakulong na mga drug lord, tuloy pa rin ang kanilang iligal na aktibidad maging sa loob ng mga kulungan, partikular sa National Bilibid Prison (NBP).

Dahil sa tindi ng problema, nagpahayag si Marcos ng suporta sa death penalty na nais ibalik ni Digong.
Kinondena rin ni Marcos ang mga pagkakasangkot sa droga ng ilang opisyal ng gobyerno.

Iginiit ni Marcos ang kahalagahan na proteksyunan ang mga mamamayan, partikular ang mga kabataan laban sa mga drug pusher at sindikato ng droga.

Salot ang mga drug lord sa lipunan. Bukod sa sinisira nito ang buhay ng mga kabataan, nagdudulot din ito ng iba’t ibang uri ng krimen sa bansa gaya ng mga sangkot sa rape at mga pagpatay dahil lulong sa droga at mga kaso ng mga pagnanakaw para lamang masuportahan ang kanilang bisyo.

Naglipana ang mga kriminal at malakas ang kanilang loob dahil alam nilang hindi sila mapapatay kung sakaling mahuhuli sila sa ginawa nilang marahas na pagpatay sa kanilang kapwa.

Bagamat mariin ang pagtutol ng mga human rights group, ang death penalty lamang ang nakikitang kabayaran sa pamilya ng mga naiwan at mga biktima ng karumal-dumal na mga krimen.

Hindi rin totoo ang alegasyon ng mga kontra sa death penalty na hindi ito deterrent sa pagtaas ng kriminalidad sa bansa.

Inaasahan na mabilis na maipapasa sa Kongreso ang muling pagpapatupad ng death penalty dahil mismong si Duterte ang nag-eendorso nito.

Read more...