TAKOT na takot ang bagong Kapamilya singer na si Jona nang mangyari ang suicide bombing sa isang airport sa Turkey kung saan sana lalapag ang sinasakyan nilang eroplano pabalik ng Pilipinas.
Galing sa Madrid ang dating Kapuso performer para sa isang event ng ABS-CBN doon na bahagi pa rin ng ika-25 taong anibersaryo ng Maalaala Mo Kaya nang maganap ang pambobomba na ikinamatay ng mahigit 40 katao.
Ito ang unang Kapamilya trip abroad ni Jona kasama ang iba pang talents ng Dos including Amy Perez. “Sobrang naging scary po talaga, sobrang kinabahan po kami. But we’re very thankful kasi po na-delay po yung flight namin sa Madrid ng isang oras,” kuwento ng biriterang singer sa media conference para sa bagong segment ng ASAP20, ang ASAP Pinoy.
Ayon kay Jona wala silang kaalam-alam na binomba na pala ang airport sa Istanbul, ibinalita na lang sa kanila ang insidente nang makarating na sila sa Izmir airport ng Turkey kung saan na-divert ang kanilang flight.
“So, nandu’n lang po kami sa loob ng eroplano for two hours nang maka-land po kami, kasi hindi po kami pinapapasok sa loob ng airport for safety,” chika pa ng singer. Buti na lang daw kasama nila ang asawa ni Amy na si Carlo sa eroplano, “Si Kuya Carlo ang maraming contacts sa TV5, ABS-CBN, DFA, Philippine Embassy sa Turkey, kaya po naging okay din naman lahat.”
Ibinahagi rin ni Jona sa press na ibang-iba na raw ngayon ang Turkey kumpara sa huling pagpunta niya roon noong 2007. “Nu’ng nakakuwentuhan po namin yung mga contingents sa Turkey, two years ago nagsimula yung mga ganu’ng threats at mga bombings, shootings.
Sobrang natakot po kami but, at the same time, nahimasmasan kami, at least po hindi kami naka-land on time sa Istanbul,” aniya pa. Sobrang nag-alala rin daw ang kanyang pamilya nang mabalita nga sa TV ang nangyari sa Istanbul kaya todo dasal daw ang mga ito na sana’y makauwi sila sa bansa ng ligtas.