Review: Achy Breaky Heart, swak sa mga walang love life

Team Tisoy o Team Tsinoy?

Kung isa ka sa mga miyembro ng bawat grupo, then you have to brace yourself sa pelikulang  magbibigay ng kakaibang saya hanggang sa wakas ng pelikula.

At kung type mong manood ng movie na mag-isa, hinding-hindi ka mao-OP (Out of Place).  You might even find the movie “Achy Breaky Heart” was made just for you.

Masasabing puno ng aral ang pelikulang pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Ian Veneracion at Richard Yap.  Bukod sa talagang sasakit ang tiyan mo sa katatawa, papaiyakin ka rin nito.

Umiikot ang kwento kay Chinggay na single sa nakaraang pitong taon matapos iwanan ni Frank (Richard) dahil sa ibang babae.  Nakilala naman ni Chinggay si Ryan (Ian) na isa ring broken hearted.

Gaya sa kanyang mga napagbidahang movie at teleserye, epektibo ang pagganap ni Jodi sa kanyang papel na isang single.  Bihasang masasabi sa drama si Jodi ngunit nagpamalas siya ng galing sa pagpapatawa.

Maaaliw talaga ang mga manonood, at talagang aabangan nila kung sino sa dalawang leading men ang makakatuluyan ng bida. Siyempre dahil sa nabuo na ang Team Tisoy at Team Tsinoy na grupo, hindi ko na sasabihin kung sino ang nakatuluyan ni Chinggay pero tiyak kong ikinonsidera ng script writer ang magiging damdamin ng mga fans nina Ian at Sir Chief sa ending ng pelikula.

Napakagaan ng pelikula, kung hanap mo ay isang feel-good at ayaw mag-isip ng mabibigat, masasabing swak ang movie na ito ng tatlong bida.

Magaan man, may aral namang makukuha rito, lalo na ang mga single o silang walang love life sa ngayon.  Pinagpapahalagahan ng pelikula ay ang pagmamahal sa sarili:  Hindi masamang maging single, ang mahalaga mahal mo ang iyong pagkatao at masaya ka.

Kwelang-kwela si Jodi sa kanyang pagpapatawa at talagang makikiiyak ka naman sa kanya.

Magagaling din magpatawa sina Ian at Sir Chief, kayat talagang sulit ang ibinayad mo bukod sa oras na iyong ginugol para sa pelikulang ito. ‘Yun nga lang, maaring makadama ng konting pagkabitin kung naghihintay ka ng isang super duper na happy ending.  Pero isa ang ibibigay nitong pabaon sa mga manonood:  OK lang maging single!

Sa iskor na 1 hanggang 10, kung saan 10 ang pinakamataas, bibigyan ko ng 9 ang pelikula.

You can follow Bella Cariaso on twitter:  @bellacariaso

Like us on Facebook: Inquirer Bandera

Follow us on Twitter:  @banderainquirer

Viber Public Chat:  Bandera

Read more...