May kakampi na ang mga api

“NAIYAK ako habang nakikinig sa speech ni President Duterte. Naantig ang damdamin ko dahil meron nang tagapagtanggol ang mga ordinaryong mamamayan,” sabi sa akin ng kaibigan kong abogado.
Nakipag-usap sa akin ang kaibigan kong abogado sa cellphone kahapon ma-tapos ang televised speech ni Pangulong Digong sa Camp Crame.

Ang abogado ay nagtatanggol ng mga akusadong mahihirap sa korte nang walang bayad.

Maaaring milyon-milyong nanood kay Mano Digong ay naantig din ang damdamin kahapon.

Ang ordinaryong mamamayan ay walang kibong nagtiis sa mga kapalpakan ng gobyerno at abuso ng mga tao na nasa kapangyarihan.

Ang talumpati ni Pangulong Digong ang nagbigay sa kanila ng tapang na ilantad ang kanilang sama ng loob.

Ang pinakamataas na opisyal ng bansa mismo ang magtatanggol sa mga ordinaryong mamamayan.

Bilang kanyang malapit na kaibigan, alam kong tototohanin ni Mano Digong ang kanyang sinabi na ipagtatanggol niya ang taumbayan sa pang-aabuso ng mga tao sa gobyerno, lalo na sa mga mapang-aping pulis.

Parang nabunutan ang inyong lingkod ng tinik nang marinig ko ang talumpati ng bagong pangulo sa Camp Crame nang mailuklok si Ronald “Bato” dela Rosa bilang chief ng Philippine National Police (PNP).

Ako, sampu ng aking staff sa “Isumbong mo kay Tulfo” ay marami nang naranasang pagkadismaya dahil sa mga sumbong ng pagmamalabis ng gobyerno sa mga ordinaryong tao.

Tama ang sinabi ni Mano Digong: ang mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga pulis na inirereklamo ay tumatagal ng taon bago maresolba.

O kaya, ang mga pulis na respondents ay naga-AWOL (absent without official leave) muna nang matagal na panahon at kung hindi nakabantay ang inaping mamamayan, tinatrabaho nila ang kanilang acquittal.

Alam ni Duterte ang sinasabi niya dahil bago siya naging mayor ay matagal siyang piskal ng Davao City at alam niya ang pasikut-sikot sa batas.

Saksi ang “Isumbong mo kay Tulfo” sa pabor na ibinibigay ng batas sa mga akusadong pulis kapag ang kalaban nila ay mahihirap na tao.

Ang tinatawag na “due process of law” o paikut-ikot na proseso ng korte sa pagdinig ng kaso ang dahilan ng napaka-mahabang pagdinig ng kaso.

Sa mga mambabasa na hindi alam ang tungkol sa “Isumbong mo kay Tulfo”, isa itong public service program sa radyo (DWIZ, 880 khz am sa pihitan) na tagapagtanggol ng mga naaapi.

Tinutulungan namin ang mga ordinaryong tao na makapagsampa ng kaso laban sa mga nirereklamo nilang diumano’y nang-api sa kanila.

Hinahanapan ng “Isumbong” ng abogado ang mga taong na-frame up o sinampahan ng mga kasong gawa-gawa lang.

Ang aming battlecry ay, “Inapi ka ba? Isumbong mo kay Tulfo!”

Mula nang magsimula ang “Isumbong” noong June 1, 1991 sa Radyo Veritas pa, libu-libong mamamayan ang aming natulu-ngan.

Nagkakilala kami ni Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa for the first time matapos ang presidential inaugural sa Malacañang noong Huwebes.

Isa ang inyong lingkod na imbitado sa panunumpa ni Manong Digong bilang pangulo ng bansa.

Sinabi ni Bato sa inyong lingkod na personal niyang aasikasuhin ang mga sumbong ng mga ordinaryong mamamayan na idinudulog sa aking public service program kapag matapos siyang mahirang na hepe ng PNP.

Iniluklok si Bato bilang PNP chief kahapon.

Noong Huwebes, inimbita ko ang bagong secretary of Interior na si Mike Sueno sa early breakfast or dinner.

Available daw siya anytime sa darating na linggo.

Pag-uusapan namin ang mga katiwalian sa PNP at mga abusadong pulis.

Read more...