Kobe Paras hindi na maglalaro sa UCLA Bruins; may problema sa academics

INIWANAN ni Kobe Lorenzo Paras ang plano nitong paglalaro para sa University of California-Los Angeles (UCLA) Bruins sa prestihiyosong US National Collegiate Athletic Association (NCAA) Division I dahil sa nahalungkat na ‘academic issue.’

Ayon sa pahayag na inilabas mismo ng eskuwelahan, ang Pilipinong basketball player ay nagbitiw sa unibersidad dahil hindi nakamit ang kundisyon ng akademya.

Nakasaad sa pahayag na ‘Kobe Paras has withdrawn from the university due to academic conditions not being met,’ bagaman wala nang iba pang ibinigay na detalye.

Ayon kay John Montgomery, principal ng Los Angeles Cathedral High kung saan nagtapos si Paras, ang mataas lumundag na 6-foot-6 forward ay isang honor student sa eskuwelahan na nagawang makumpleto ang kanyang NCAA requirements. Gayunman, nagkaproblema umano ito sa ‘SAT scoring’ sabi ni Montgomery sa panayam ng Los Angeles Times.

Ang dati nitong coach sa Cathedral na si William Middlebrooks ay nagsabi na nagdesisyon na lamang si Paras na maglaro para sa ibang Division I university.

Si Paras, na naglaro para sa La Salle-Greenhills sa high school, ay matatandaang nagpakitang gilas sa kanyang tanging taon sa Cathedral High na naging daan para sa imbitasyon na sumali sa Bruins sa ilalim ng dating Indiana Hoosiers star guard na si Steve Alford.

Read more...