Kris binabarat daw ng ABS kaya pumayag umapir sa morning show ni Marian sa GMA

kris aquino marian rivera at dingdong dantes

SO, nakapag-taping na kahapon si Kris Aquino sa show ni Marian Rivera sa GMA 7. Isang pangako raw kasi ‘yun ni Kris sa kanyang mga inaanak na kailangan niyang tuparin.

Matagal na pala nilang usapan na kapag nagkaroon ng solo show si Marian o si Dingdong Dantes ay magge-guest siya. Ito na ang pagkakataon, ang tamang panahon, habang wala pang pinipirmahang kontrata sa ABS-CBN si Kris.

Kaliwa’t kanang pagpuna ang tinanggap ni Kris dahil sa kanyang desisyong tuparin ang kanyang pangako kina Dingdong at Marian. Nagpapahabol lang daw siya sa Dos, kaya pinili niyang sa show ni Marian unang mag-guest, sa halip na sa anumang show ng ABS-CBN.

Tinatawad-tawaran daw kasi siya ng Dos, maigsing panahon lang ang nakapaloob sa kanyang pipirmahang kontrata, pero ang gusto raw ng aktres-TV host ay limang taon. Maraming haka-haka, maraming kuwentong umiikot ngayon sa pagbabalik ni Kris, muli siyang hinusgahan ng korte ng bayan.

Sa pagkakaalam namin ay meron nang binabalangkas na kontrata ang istasyon sa pagbabalik-TV ni Kris, ang haba ng panahon na lang ang kanilang uupuan, pero sa Dos pa rin siya magtatrabaho-magpapatali.

Guesting lang naman ang para sa programa ni Marian Rivera, pagtupad lang ‘yun sa isang binitiwang pangako, wala namang kakambal ‘yun na pakikipag-usap sa mga ehekutibo ng Siyete para sa kanyang pagkabilang-bakod. Ganu’n lang ‘yun.

Read more...