Amy, Jonalyn, iba pang pinoy ligtas sa pambobomba sa Istanbul airport

amy perez at jonalyn viray
NAGPAPASALAMAT sa Diyos ang grupo nina Amy Perez at asawang si Carlo Castillo dahil hindi sila nadamay sa naganap na pambobomba sa Ataturk Airport sa Istanbul, Turkey kanina na ikinamatay ng maraming inosenteng sibilyan.
Ayon kay Amy, nakatakda sanang lumapag sa nasabing airport ang sinasakyan nilang eroplano (Flight TK 1860), ngunit nagawa ngang i-divert ng kanilang piloto ang kanilang flight sa isa pang airport sa Turkey. Galing sa “Kuwentuhang Kapamilya” (para sa anibersaryo ng Maalaala Mo Kaya) event sina Amy at Carlo kasama ang iba pang Kapamilya stars sa Madrid at pabalik na ng Pilipinas nang maganap ang pambobomba.
“Napaupo lang ako at nagpasalamat ako sa Diyos na walang nangyari sa amin. Hindi pa namin alam kung may makukuha kaming flight, but yung mga kasama namin sa TFC, nagko-coordinate kung paano kami makakaalis dito,” kuwento ng TV host sa phone interview sa kanya ng Umagang Kay Ganda matapos ipaalam sa kanila ng flight attendants na sa Izmir Airport na sila lalapag dahil nga sa pag-atake ng mga suicide bombers sa Istanbul. Doon ang stopover ng nasabing flight bound for Manila.
Kaninang umaga ay nag-update si Amy sa mga kaganapan sa Ismir Aiport, isa-isa raw silang pinababa at pinasakay sa isang bus, ito ang naghatid sa kanila patungong hotel. Ipinost pa ni Amy sa kanyang Instagram account ang mga pangalan ng iba pa nilang kasama sa flight at isa nga rito ang bagong Kapamilya singer na si Jonalyn Viray na abot-langit din ang pasasalamat na sila’y ligtas ngunit nagpaabot din ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi sa insidente.

Read more...