SA Huwebes ay bababa na ang Aquino government at papasok naman ang gobyerno ni president-elect Rodrigo Duterte.
Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng marami sa mga miyembro ng Liberal Party kung saang kampo sila pupunta sa Kamara de Representantes.
Maliban sa mga miyembro ng LP na agad na nakatalon at sumanib sa PDP-Laban matapos na matiyak na si Duterte ang mananalo sa katatapos na eleksyon, marami pa rin ang hindi alam kung sila ay magiging mayorya o minorya.
Kailangan ng PDP-Laban na magparami ng mga miyembro upang makontrol nila ang Kamara.
Sa katatapos na halalan ay tatlo lang yata ang kandidato ng PDP-Laban sa pagkakongresista.
At dahil nagsalita na si Pangulong Duterte na si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang nais niyang maging speaker sumuporta na sa kanya ang maraming kongresista.
Nakipag-alyansa na rin ang Lakas-CMD ni dating Pangulong Gloria Arroyo (ngayon ay nasa ikatlong termino na bilang kongresista ng Pampanga), Nacionalista Party ni dating Sen. Manny Villar, Nacionalista Party ni Danding Cojuangco, at National Unity Party ni Ricky Razon.
Kahit na ang partylist collation ay sumali na rin sa koalisyon.
Ang United Nationalist Alliance ni outgoing Vice President Jejomar Binay naman ay gustong maging minority. Mayroon silang mga 15 miyembro. Mag-uusap pa sina Navotas Rep. Toby Tiangco at Quezon Rep. Danilo Suarez kung sino sa kanila ang mamumuno.
Ang naiwan ay ang LP bagamat nagkaroon na ng ilang pag-uusap.
Marami sa mga miyembro ng PDP-Laban ngayon ay galing sa LP na pinamumunuan ni Aquino at ng kandidato niyang si Mar Roxas.
Mayroon pang natitirang 40 hanggang 50 kongresista na hindi umaalis sa LP.
Ilan sa mga umalis sa LP ay kilalang
Kung wala ng mapapaalis sa mga ito o wala ng gustong tumalon sa PDP-Laban malaki ang bilang na ito na maaaring magpasakit sa ulo ng Malacanang.
Hindi rin maaaring matulog ng mahimbing ang PDP-Laban dahil kung nagawang layasan ng mga nakuha nilang miyembro ang LP, hindi maaalis ang posibilidad na bigla na lamang kumalas ang mga ito sa kanila.
Ganito ang pulitika sa bansa.
Kaya sa panukalang amyendahan ang Konstitusyon para sa planong pagpapalit ng porma ng gobyerno at maging federal na, mayroong mga nagpapanukala na isabay na ang pagkakaroon ng two party system.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan na ang mga political butterfly at political prostitute.
Ang tanong ay lulusot kaya ito o palulusutin kaya ito ng mga kasalukuyang pulitiko. Pag nagkaganito ay kakailanganin nilang magdesisyon kung saan sila papanig. At paano na lamang ang mga negosyante na nasa kanilang likuran?
Pero bago ang gagawing amyenda, isa munang tanong ay kung anong paraan ang gagamitin?
May nagsasabi na dapat daw ay constitutional convention para daw hindi maakusahan ang Duterte government na nais lamang nito na magtagal sa puwesto. Pero magastos ito dagdag pasanin sa taumbayan dahil kailangang magkaroon ng eleksyon kung sino ang mga uupo sa Concon. Ang mga nanalo ay susuwelduhan din at gagastusan ng buwis ng bayan sa kanilang pagtatrabaho.
Pwede rin naman na constituent assembly— ang mag-aamyenda sa Konstitusyon ay ang mga kongresista at senador. Mas matipid ito at ang uupo sa pag-amyenda ay ang mga hinalal sa nakaraang halalan.
Magkaibang daan pero iisa ang pupuntahan.