PINAPLANTSA na ni Pwersa ng Bayaning Atleta partylist congressman-elect Jericho Nograles ang kanyang panukala na magtayo ng departamento na tututok sa mga programang pampalakasan at hahawak sa lahat ng ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa sports.
Sinabi ni Nograles na mahalaga na magkaroon ng departamento na tututok sa pangangailangan ng mga atleta at tumaas ang pagkakataon nila na makapag-uwi ng medalya sa bansa. “The bill proposes to establish a Department of Sports, Culture, and Recreation by upgrading and merging the PSC and the NCA under one department,” ani Nograles sa text message nito sa bandera.
Nais ni Nograles na magtayo rin ng mga regional, provincial, city at municipal offices ang panukala niyang departamento upang mas madali itong mapuntahan ng mga atleta. “The purpose is to strengthen government support for sports and culture as mandated by the Constitution,” dagdag pa ni Nograles. “I am hoping to finalize the draft after seeking audience with incoming PSC chair Butch Ramirez.”
Nauna ng sinabi ni Nograles na ang hindi magandang ipinakikita ng ating mga atleta ay maaaring bunsod ng kakulangan ng suporta ng gobyerno, politika sa sports sector at ang depektibong recruitment at training ng mga ito. Sinabi ni Nograles na habang tumatagal ay makonti ng pakonti ang mga international competition na pinananalunan ng ating mga player sa kabila ng pagtatayo ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at iba pang mga ahensya.
Dagdag pa ni Nograles ang maliit na premyo para sa mga mananalong atleta ay isa rin sa mga dahilan kung bakit mas ninanais nila na maglaro na lamang sa pro kaysa sa mga amateur international competition. Hindi pa nananalo ng gintong medalaya sa Olympiada ang Pilipinas.