DADALO ang bunsong kapatid ni Pangulong Aquino na si Kris Aquino sa inagurasyon ni Vice President-elect Leni Robredo bukas bilang kinatawan ng outgoing president.
Sinabi ng kampo ni Robredo na inimbitahan ang magkakapatid na Aquino, bagamat hindi makakadalo dahil prayoridad nila ang departure honors para sa outgoing president sa Malacanang.
“[The] Aquino sisters were invited and Kris Aquino [will] represent the family,” sabi sa isang pahayag ng tagapagsalita ni Robredo na si Georgina Hernandez.
Kinumpirma naman ni Kris na dadalo nga siya sa inagurasyon ni Robredo kung saan magsusuot siya ng simpleng Filipiniana.
Sinuportahan nina Kris at kanyang mga kapatid na sina Ballsy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abelleda, at Viel Aquino-Dee ang kandidatura ni Robredo.
Si Kris ang isa sa pinakamalaking nagbigay ng kontribusyon para kay Robredo na umabot ng P31.8 milyon.
Sinabi rin ng kampo ni Robredo na inimbitahan din nila ang running mate na si Mar Roxas at kanyang pamilya para dumalo sa seremonya.
Hindi pa nagkukumpirma si Roxas kung pupunta sa inagurasyon ni Robredo.