Petron, RC Cola nakisalo sa itaas

Mga Laro sa Martes
(Cuneta Astrodome)
4 p.m. Foton vs Amy’s
6 p.m. Cignal vs Petron

ILANG beses umiwas sa bingit ng kabiguan ang nagtatanggol na kampeong Petron bago nito nagawang itakas ang nakakarindi na 25-19, 21-25, 25-22, 27-25 panalo kontra Generika sa 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Sinandigan ng Petron sina team captain Aiza Maizo-Pontillas at Bernadeth Pons upang ipamalas ng Tri-Activ Spikers ang importanteng mental toughness sa krusyal na yugto upang itala ang ikalawang sunod nitong panalo sa prestihiyosong torneo.

Dahil sa panalo ay nakasalo ng Petron ang nagpapahinga na F2 Logistics sa itaas ng team standings habang nalasap ng Generika ang ikalawang sunod na pagkatalo matapos magwagi sa pagbubukas ng torneo para malaglag sa 1-2 panalo-talong karta.

Agad nag-init ang opposite hitter na si Maizo-Pontillas para sa Petron matapos itala ang 16 hits sa kanyang 17 kabuuang puntos habang ang baguhan na si Pons ay nagtala ng 16 marker para sa Tri-Activ Spikers.

“I told our setter (Acy Masangkay) to look for Aiza,” sabi ni Petron coach George Pascua. “Aiza is a veteran. She has the experience. I know she will bail us out during crucial situations.”

Samantala, magaan na tinalo ng RC Cola-Army Lady Troopers ang nakatapat nitong Cignal HD Spikers sa loob lamang ng tatlong set, 25-17, 25-17, 25-20.

Pinamunuan ni Jovelyn Gonzaga ang Lady Troopers sa kinolektang 13 puntos.
“We just enjoyed the game,” sabi lamang ni RC Cola-Army coach Kungfu Reyes, na asam ibigay sa Lady Troopers ang ikaapat nitong titulo. “Although we need rest, I’m glad that we’re slowly regaining our form. We’re now about 75% and still continuous to improve.”

Namuno naman si Carmela Tunay sa nagawa nitong siyam na puntos para sa HD Spikers na nalasap ang ikalawa nitong sunod na kabiguan sa torneo.

Read more...