Petron, RC Cola makikisalo sa liderato

Mga Laro Ngayon
(San Juan Arena)
2 p.m. Petron vs Generika
4 p.m. RC Cola vs Cignal
Team Standings: F2 Logistics (2-0), Petron (1-0), RC Cola-Army (1-0), Generika (1-1), Foton (1-1), Standard Insurance-Navy (0-1), Cignal (0-1), Amy’s (0-2)

IKALAWANG sunod na panalo ang kapwa asam ng Petron Tri-Activ at RC Cola-Army sa pagsabak sa kani-kanilang mga kalaban sa inaaasahang mainitang dalawang larong salpukan ngayong hapon sa 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament sa San Juan Arena.

Pag-iinitin ng nagtatanggol na kampeon na Tri-Activ Spikers ang torneo sa pagsagupa nito sa Generika sa unang laro ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng Lady Troopers na haharapin ang Cignal sa tampok na labanan sa ganap na alas-4 ng hapon.

Pilit din na sasalo sa liderato ang magkatabi sa ikalawang puwesto na Petron at RC Cola-Army sa kapwa malinis na kartadang 1-0 panalo-talo matapos maiwanan ng F2 Logistics na unang tinalo ang Cignal sa pagbubukas ng liga at dinomina ang Amy’s sa loob ng tatlong set noong Huwebes, 25-13, 25-14, 25-23, para sa 2-0 panalo-talong karta.

Ipinamalas ng Tri-Activ Spikers ang panibago nitong lakas bagaman hindi na kasama sina Dindin Manabat, Fille Cayetano, Rachel Anne Daquis at Aby Maraño sa unang laro tampok ang bagong manlalaro na sina Bernadeth Pons at Remy Palma upang idagdag kina CJ Rosario, Bang Pineda at beteranong si Aiza Maizo-Pontillas.

Agad namalas ang isinagawang pagbabago ng Petron matapos ipakita nina Pons at Palma ang mahirap tibagin na net defense habang nagsawa sa pagpalo si Maizo-Pontillas sa tinipon nitong 16 puntos para sa pagpapalasap ng tatlong set na kabiguan sa Tornadoes, 25-19, 25-17 at 25-21.

Gayunman, masusubok muli ang kakayahan ng Petron sa pagsagupa sa mas bata at agresibong Generika.

Bitbit ng mga papasikat na sina Chloe Cortez, Shaya Adorador, Gen Casugod at Wensh Tiu kasama ang beteranong setter na si Rubie de Leon ay tinalo ng Lifesavers ang bagong miyembro ng liga na Standard Insurance-Navy sa loob ng apat na sets, 28-26, 26-28, 25-20, 25-19.

Isa pang alalahanin ng Petron ay sariwa pa ang Generika sa pagkakalasap ng una nitong kabiguan matapos isuko ang apat na sets na labanan, 11-25, 25-22, 24-26, 21-25, kontra sa 2015 Grand Prix champion na Foton.

“I love the intensity and energy of the team,” sabi ni Generika coach Francis Vicente, na itinulak ang dating miyembro na Philips Gold sa pares ng ikalawang puwesto nitong nakaraang taon.
“They are young, hungry and aggressive. We just have to stay together and continue our fighting stance. They are still learning and continuing to know their responsibility. This is a good start,” sabi pa ni Vicente.

Inaasahan din na magiging maigting ang paghaharap ng RC Cola-Army kontra Cignal.

Inuwi ng Lady Troopers ang tatlong set na demolisyon sa Amy’s habang nabigo ang Cignal sa apat na set kontra sa Cargo Movers.

“We have to switch our game a notch higher,” sabi lamang ni RC Cola-Army coach Kungfu Reyes na ibibigay ang lahat ng taktika kontra sa HD Spikers upang alisin ang kalawang sa kanyang mga beteranong manlalaro.

Sasandigan ni Reyes ang beteranong setter na si Tina Salak pati na rin sina Honey Royse Tubino, Jovelyn Gonzaga at Daquis anew. “I’m not satisfied with how we performed against Amy’s. I feel that we still have something to show. Cignal is such a dangerous team. We have to be careful,” sabi nito.

Read more...