ISANG mayor ang sinasabing humihingi ng audience kay incoming President Rodrigo Duterte para ipadrino ang kanyang bata na isang opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ng ating Cricket na sabit sa illegal drugs ang nasabing police official na nakatalaga sa Metro Manila.
Hindi alam ng ating Cricket kung alam ni mayor na sabit sa droga ang kanyang bata pero ayon sa ating source matunog ang balita na kaagad itong aalisin sa kanyang pwesto pag-upo ng bagong administrasyon.
Bago dito ay tatlong mga police generals ang naiulat na sangkot sa droga at sinabi ng ating source na isa sa mga ito ang police official na bida sa ating kwento ngayong araw.
Ayaw kausapin ni Duterte ang padrinong mayor ng nasabing police official kaya tiyak daw na swak na ito sa banga pag-upo sa pwesto ng bagong pangulo.
(Editor: Banga na pwede nang basagin?)
Kamakailan lang ay naging laman ng mga balita ang lugar ng police official na ating tinutukoy dahil sa nabistong mga droga na iniwan sa isang abandonadong sasakyan sa kanyang teritoryo.
Walang nahuling mga tao pero umaabot sa daang milyong piso ang halaga ng droga na narekober sa lungsod na sakop ng hurisdiksyon ni Sir.
Sinabi ng ating Cricket na isang legit operation ang naganap at may mga nahuling drug courier pero dahil sa pakiki-alam ng naturang police general ay pinalaya ang mga ito.
Sinabi ng ating source na may naganap na palitan ng ulo dahil hinayaan ng mga operatiba ng pulisya na tumakas ang mga taong nahuli kapalit ng pag-iwam nila sa mga dala nilang illegal drugs.
Ipinaliwanag pa ng ating source na kailangang isailalim na sa surveillance at lifestyle check ang police official at tiyak daw na mabibisto ang marangya nitong pamumuhay.
Idinagdag pa ng ating Cricket na dapat ding imbestigahan dahil posibleng sabit din sa mga kaso ng summary executions si Sir dahil sa lawak ng kanyang ibinibigay na proteksyon sa isang grupo ng illegal drug traders.
Sa mga susunod na araw ay tiyak nang matatanggalan ng maskara ang mga opisyal na ating tinutukoy.
Ang police official ay tawagin na lamang nating Mr. R….as in Robot.
Si Mayor naman ay saka na lang dahil hindi pa naman tiyak kung sabit din ito sa illegal drugs.