JV Ejercito nagpiyansa matapos ang ipinalabas na warrant of arrest laban sa kanya

jv ejercito
NAGPIYANSA na si Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito matapos magpalabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa kanya.
May nakitang probable cause ang Sandiganbayan Sixth Division sa kasong Illegal Use of Public Funds laban kay Ejercito kaugnay ng mali umanong paggamit nito ng pondo ng San Juan City noong siya pa ang alkalde ng lungsod.
 Ipinag-utos ng korte ang pagpapalabas ng warrant or arrest laban kay Ejercito at kanyang mga kapwa akusado.
     Agad namang nagpiyansa sina Vice mayor Francis Zamora at mga dating konsehal na sina Angelino Mendoza at Rolando Bernardo.
     “Wherefore, the Court finds probable cause in this case… Let warrant of arrest be issued against all the accused,” said ng desisyon.
     Ayon sa korte ang mga iprenisintang ebidensya ng mga akusado ay makabubuting talakayin sa pagdinig ng kaso.
     Kasama rin sa kaso sina dating Vice Mayor Leonardo Celles, mga kasalukuyan at dating konsehal na sina Domingo Sese, Antoni Miguel Carballo, Vincent Rainier Pacheco, Dante Santiago, Grace Pardines, Francis Peralta, Eduardo Soriano, Jannah Ejercito-Surla, at Joseph Christopher Torralba.
    Ang kaso ay kaugnay ng pagbili ng lungsod ng mga baril na nagkakahalaga ng P2.1 milyon. Kinuha ang pondo na ipinambayad sa HK Tactical Defense System Inc. sa Calamity Fund.
     Ayon sa Ombudsman walang kalamidad ng gamitin ang pondo sa pagbili ng baril. Hindi rin umano ito dumaan sa public bidding at hindi tahasang nasuri ang kuwalipikasyon ng supplier.
     May bukod na kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Ejercito sa Fifth Division.

Read more...