Umabot sa 40 katao ang nasugatan nang tumaob ang sinakyan nilang pampasaherong jeep sa Cabatuan, Iloilo, Martes ng hapon, ayon sa pulisya.
Kabilang sa mga sugatan ang driver na si Glyn Millena at 33 estudyante ng Cabatuan National High School na pawang mga menor de edad, sabi ni Senior Insp. Engelbert Banquillo, hepe ng Cabatuan Police.
Sugatan din ang anim pang pasahero na sina Rolan Choresca, 26; Enrique Gigawin, 33; Jorge Baldecanas, 50; Aljen Bulmano, 19; Visitacion Ordoyo, 63; at Gonzalo Madrid, 70.
Naganap ang insidente dakong alas-5:30 sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Pungtod.
Minamaneho ni Millena ang jeep (FWR-658) patungong Brgy. Acao nang bigla itong nahulog mula sa kalsada at bumaligtad.
Nagloko umano ang makina ng sasakyan kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver, ani Banquillo.
Dinala ang mga sugatan sa Ramon Tabiana District Hospital dahil sa mga pinsalang tinamo.
Naka-confine pa sa ospital ang driver pero siya’y “under arrest” na habang nilulunasan doon, ani Banquillo. (John Roson)
– end –
MOST READ
LATEST STORIES