MAGANDANG Araw po. Ako si Howard B. Yuag ng Kidapawan City. Noon pang Disyembre 2013 ako nagretiro. Dumulog po ako sa SSS-Kidapawan branch noong March 24, 2014, upang mag-apply ng aking pension.
Ang unang problema ko ay kailangan daw muna ng manual verification mula sa SSS head office. Inabot din ng ilang buwan nang dumating ang printout noong Oktubre 2015.
Pero may bagong sumulpot na problema. Sa printout ay lumabas na nagsimula akong maghulog ng contribution noong 1973 gayung hindi pa ako nagtatrabaho noong mga panahong iyon. Nagpasya na lamang ang SSS na i-delete ang contribution na iyon (attached print out).
Makailang beses na kaming nagpabalik-balik ng SSS kidapawan office pero wala pa ring nangyayari magpahanggang ngayon.
Ang sabi ng opisina ay aabutin pa ito ng isang taon.
Bakit ganito po katagal? Lumalaki na po ang utang namin dahil sa katagalan ng proseso.
Ganito rin po ang nangyari sa SSS pension application ng misis kong si Erlinda J. Yuag na nag-retire noong July 12, 2015.
Hindi rin naproseso ang application niya dahil din sa SSS premium na naitala bago pa sa kanyang initial employement. Ibig sabihin ay may SSS premium na nakita sa manual verification gayong nag aaral pa siya noon sa kolehiyo.
Sabay po kaming ginawan ng request to delete noong October 12,2015 pero magpahanggang ngayon ay nakatunganga pa rin kami.
Sana po ay hindi ito modus ng SSS para lang matagalan ang pagbabayad nila ng pensions sa kanilang mga pensioners. Kawawa naman po kami dahil ipinagkait nila sa amin ang mamuhay nang hindi naghihikahos. Salamat po.
REPLY: Ito ay tungkol sa inyong e-mail hinggil sa katanungan ni G. Howard Yuag at Gng. Erlinda Yuag ukol sa kanilang retirement claim.
Malugod naming ipinaaalam kay G. Yuag na natapos na ang pagproseso ng kanilang retirement application. Maaari na siyang magwithdraw ng kanyang lump sum pension. Makatatanggap na siya ng buwanang pensiyon simula sa Hulyo 2016.
Ukol naman sa retirement application ni Gng. Yaug. Kasalukuyang isinasaayos ang rekord ng kanyang kontribusyon dahil mayroong lumalabas siyang kontribusyon bago ang kanyang date of coverage o ang petsang itinakda ng SSS bilang simula ng pagiging miyembro. Sa sandaling matapos ito, agad sisimulan ang pagproseso ng kanyang retirement application.
Nawa’y nasagot namin ang kanilang katanungan.
Salamat po.
Sumasainyo,
May Rose DL Francisco
Social Security Officer IV
Media Monitoring and Feedback
Media Affairs Department
Noted:
Ma. Luisa P Sebastian
Assistant Vice President
Media Affairs Department