INIHAYAG ng International Weightlifting Federation (IWF) ang anim na bansa na nakakuha ng quota places sa women’s division sa 2016 Olympics na gaganapin sa Agosto 5-21 sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ito na rin ang nagbigay kumpirmasyon kay Hidilyn Diaz para makalahok sa ikatlong sunod nitong Olimpiada. Base sa sulat na ipinadala ni IWF Operations Manager Angelique Mottet, ang anim na bansang nakakuha ng silya ay ang Vietnam, Uzbekistan, India, Mongolia, Philippines at Turkmenistan.
“On behalf of Dr Tamas Ajan, IWF President, I am pleased to send you the attached letter regarding the Rio 2016 Olympic Games quota gained by your athletes. Awaiting your confirmation no later than 5 July 2016,” ayon sa sulat.
Nakasaad sa sulat na may quota place ang Pilipinas alinman sa mga weight category na 48kg, 53kg at 69kg. Tanging si Diaz lamang ang lumalahok sa mga body weight category na 48 at 53kg. Si Diaz ay kasalukuyang nasa China kasama ang nagtatangka ring makapagkuwalipika na si Nestor Colonia para magsanay at paghandaan ang nalalapit na Rio Olympics at pati na rin ang 2017 Southeast Asian Games at ang 2018 Asian Games.
Si Diaz ay nakapaglaro na sa Olympics noong 2008 sa Beijing at 2012 sa London. Nanalo siya ng silver sa clean and jerk (118) at bronze medals sa snatch (90) at total (208)sa Asian Weightlifting Championship sa Tashkent, Uzbekistan nito lamang Abril.