Inireklamo ng kasong plunder at graft sa Office of the Ombudsman si dating Comelec chairman Sixto Brilliants at pitong iba pa kaugnay ng kontratang pinasok nito para sa pagsasaayos ng 80,000 Precinct Count Optical Scan machine na ginamit sa katatapos na eleksyon.
Kasama sa reklamong inihain ni dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras ang mga dating commissioner ng Comelec na sina Lucenito Tagle at Elias Yusoph at concurrent commissioner na sina Christian Robert Lim at Al Parreño at mga opisyal ng Smartmatic na sina Cesar Flores, Elie Moreno at Marlon Garcia.
Ayon kay Paras nagsabwatan ang mga opisyal ng Comelec at Smartmatic sa kontrata na hindi dumaan sa public bidding. Noong una ang kontrata ay nagkakahalaga ng P300 milyon pero naibaba ito sa P240 milyon.
Taliwas umano ito sa rekomendasyon ng Comelec Advisory Committee at Comelec Law Department na dapat dumaan sa bidding ang kontrata.
“By their illegal and anomalous acts in awarding the Extended Warranty Contract to Smartmatic-TIM, public respondents has given the said Smartmatic-TIM unwarranted benefits and advantage over other possible bidders to the prejudice and undue injury to the government,” saad ng reklamo ni Paras. “Thus, their acts of giving the award to Smartmatic-TIM are considered corrupt practices which clearly violate the Law of Plunder and Anti-Graft and Corrupt Practices Act as well.”
Nanawagan din si Paras sa Ombudsman na isailalim sa lifestyle check ang kanyang mga inirereklamo at ipinasisilip sa Anti-Money Laundering Council ang kanilang mga bank accounts.
MOST READ
LATEST STORIES