Bumaba ang net satisfaction rating ng Aquino government sa unang quarter ng 2016, ayon sa survey ng Social Weather Station.
Nakapagtala ang papaalis na gobyerno ng 35 porsyentong overall net satisfaction rating, mas mababa sa 39 porsyento na naitala nong Disyembre at 37 porsyento noong Setyembre 2015.
Nakakuha ang Aquino administration ng 43 porsyentong net rating sa pagtulong sa mahihirap na siyang pinakamataas na nakuha nito.
Sumunod ang pakikipagrelasyon sa ibang bansa (36 porsyento), pagtulong sa mga overseas Filipino workers (34), pagbibigay ng proteksyon sa karapatan ng mamimili (29), paglaban sa teritoryo ng bansa (28), pagpaplano sa programa ng gobyerno (27), paglikha ng trabaho (23), at pagbabalik ng kapayapaan sa Mindanao (16).
Single digit naman ang net satisfaction rating nito sa paglaban sa terorismo (7), paglaban sa krimen (4), pakikipagkasundo sa mga Muslim (4), pagsasayos ng mga nasira ng gulo sa Mindanao (4), pagtiyak na walang nagugutom (3), pagsugpo ng katiwalian at korupsyon (2).
Negatibo naman ang nakuhang net rating sa pakikipagkasundo sa mga komunistang rebelde (-2) at paglaban sa pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin (-3).
Pinakamataas ang net rating na nakuha ng gobyerno sa Visayas na naitala sa 58 porsyento, sumunod ang Mindanao na may 33 porsyento, Luzon na may 30 porsyento at pinakamababa sa Metro Manila na 17 porsyento.
Ginawa ang survey mula Marso 30 hanggang Abril 2 o bago isinagawa ang halalan. Kinuha sa survey ang 1,500 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Unang nailathala ang resulta ng survey sa BusinessWorld, ang media partner ng SWS.
30
MOST READ
LATEST STORIES