Editorial: Kahiya-hiyang Comelec

ISANG napakalaking kahihiyan ang ginawa ng Commission on Elections (Comelec) nang bigyan nito ng extension ang pagsusumite ng statement of contributions and expenditures (SOCE) ng mga political party at kandidato.  Imbes na Hunyo 8 ang deadline, pinalawig ito ng Comelec hanggang Hunyo 30.

 

Sinasabing ang unang-unang makikinabang sa ginawang ito ng Comelec ay ang partido ni outgoing President Aquino na Liberal Party, ng talunang presidential bet na si Mar Roxas, at ang mauupong Vice President na si Leni Robredo, at mga nanalong mga senador ng partido.

 

Sa botong 4-3, nakapagtatakang pinayagan ng Comelec ang hiling ng LP na i-extend ang deadline ng filing ng SOCE.  Pinaboran nina Commissioner Arthur Lim, Al Parreño, Sheriff Abas at Rowena Guanzon ang petisyon habang tinutulan naman ito nina chairman Andres Bautista, commissioner Luie Guia at Campaign Finance Office head commissioner Christian Robert Lim,  na siyang naunang nagrekomendang ibasura ang hinihinging extension ng partido ng pangulo.

Binalewala ng apat na komisyuner ang mahigpit nitong resolusyon na hindi ito dapat  magbibigay ng extension.

Katwiran nila sa pagpabor sa request ng LP, maraming bagay silang ikinonsidera, partikular na ang consequence na maaaring mangyari sa mga nanalo kung parurusahan nang mabigat ang mga partidong hindi sumunod sa nasabing resolusyon.

Bakit tila napakadaling suwayin ng Comelec ang sarili nitong resolusyon para sa partido ng pangulo? Ito ba’y pagtanaw ng utang na loob dahil sila ay mga “bata” ni Ginoong Aquino?

Kung madali palang baliin ang sarili nitong resolsuyon,  bakit  hindi nito kayang baliin ang sariling kautusan sa usapin ng pagbibigay ng extension sa pagpaparehistro ng mga botante sa kabila ng daan-daang libong mamamayan ang humihiling nito.

 

Bakit kayang pagbigyan ng Comelec ang LP ngunit hindi kayang pagbigyan ang hiling ng maraming mamamayan? Dapat bang iba ang pagpapatupad ng batas para sa mg politiko at iba naman sa mga bumuto sa kanila?

 

Double standard ang pinakikita rito ng Comelec, dahilan para pagdudahan kung ano ba talaga ang layunin o interes nito para pagbigyan ang mga hindi marunong tumalima sa sinasabing deadline.

 

Sa kabilang banda, hanggang kailan magiging pasaway at iresponsable ang mga political groups na ito na ang tingin marahil sa kanilang sarili ay sila na mismo ang batas.

 

Bakit ang lakas ng loob ng mga partidong ito, partikular na ang LP, na hindi tumalima sa alituntunin ng Comelec, na kung tutuusin naman ay napaka simple lang – tumupad sa deadline.

 

Hindi kaya masyadong malaki, sobra-sobra, o bilyon-bilyong piso kasi ang nakalap nilang campaign funds at nahirapan silang bilangin o i-account ang mga ito, kung kayat sadyang hirap na hirap silang tumalima sa deadline?

 

Simpleng katamaran lang ba ito o baka naman hirap na hirap silang gawan ng katwiran ang sangkaterbang pera ang pumasok sa kanilang campaign funds?

 

Read more...