Mga Laro sa Martes
(San Juan Arena)
2 p.m. Generika vs
Standard Insurance
4 p.m. RC Cola Army vs Amy’s
AGAD nagpamalas ng matinding laro ang crowd favorite na F2 Logistics matapos nitong biguin ang Cignal sa tila nakakakaba na apat na sets, 25-12, 23-25, 25-20, 25-11, para sa unang panalo sa pagbubukas ng Philippine Super Liga All-Filipino Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kinakitaan ng bahagyang pangangapa sa laro ang mga dating miyembro ng UAAP champion team na La Salle sa simula ng laro bago agad na nakabangon sa sumunod na mga sets upang simulan ang kampanya nito sa panalo sa laro na inabot ng isang oras at 39 na minuto.
Pinamunuan ni Aby Maraño ang Cargo Movers sa itinalang 17 puntos habang nag-ambag sina Stephanie Mercado at rookie na si Ara Galang ng tig-11 puntos para sa koponan na madalas na hinihiyawan ng mahigit sa 4,800 na nanood tuwing nakakaiskor.
Matapos itala ang unang set na panalo, bahagyang nawala sa kanilang istratehiya ang Cargo Movers kung saan nahayaan nito ang HD Spikers na itala ang abanteng walong puntos, 9-17, bago tuluyang sumuko sa ikalawang set.
“Nagkaroon ng miscommunication sa loob. Na-overconfidence siguro kaya nawala sa laro. Mabuti na lang at kilala na nila ang kani-kanilang laro at nakabawi agad,” sabi ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus.
Nagkaroon din ng mainitang tagpo sa laro kung saan ilang beses na nagpakitaan ng kanilang husay at tatag sa laro na inaasahang madalas na magaganap sa susunod na laro ng liga dahil sa pagnanais ng bawat koponan na maangkin ang pinakaprestihiyosong korona sa liga.
Tila nahirapan naman ang setter na si Kim Fajardo sa kanyang unang paglalaro sa liga subalit nakabawi sa kanyang kumpiyansa matapos na makaiskor sa labanan sa net kontra NCAA best blocker Jeanette Panaga na nasundan pa nito ng matikas na block kontra kay Carmela Tunay.
Tinitigan ng matalim ni Fajardo ang nakatapat na si Tunay na nagpahiyawan sa mga manonood.
Si Mika Reyes, na dumalo muna sa kanyang pinakaimportanteng seremonya ng pagtatapos, ay nag-ambag ng siyam na puntos habang may siyam din si Fajardo kasama ang apat na block.
Nagtala ang F2 Logistics ng mas maraming blocks, 12-5, at service aces, 10-2.
Pinamunuan naman ni Cherry May Vivas ang Cignal na may 13 puntos.
Samantala, hindi naman nagpaiwan sa ikalawang laro ang nagtatanggol na kampeong Petron Tri-Activ Spikers matapos nitong itala ang dominanteng tatlong set na panalo, 25-19, 25-17, 25-21, kontra kapwa kampeon na Foton Toplander.
Nagtala si Aiza Maiso-Pontillas ng kabuuang 15 puntos at isang block para sa Tri-Activ na hangad maduplika ang isinagawa nitong 13-0 pagwawalis sa torneo tungo sa pag-uwi sa korona.