Love triangle ng mga pulis sa Leyte: PO1 huli si misis, kauniporme sa kama

NAHAHARAP sa kaso ang isang lalaki at babaeng pulis sa Palompon, Leyte, matapos sila umanong mahuling nagtatalik ng asawa ng huli, na isa ring alagad ng batas.

Nakadetine ang lalaking pulis, na may ranggong PO1, matapos sampahan ng kasong concubinage at frustrated murder, ani Supt. Edgardo Esmero, tagapagsalita ng Leyte provincial police.

Pansamantala namang nakalalaya ang babaeng pulis, na may ranggo ding PO1, pero nakatakdang kasuhan ng adultery, aniya.

Naganap ang insidente sa bahay na inuupahan ng babaeng PO1 at mister niyang may ranggo na PO2 nitong Lunes, sabi ni Esmero nang kapanyamin sa telepono.

Bago iyon ay naka-duty sa istasyon ang mag-asawa, pero nawala ang babae kaya hinanap ng mister sa kanilang boarding house.

Inabutan umano ng PO2 ang misis na kasama sa kama ang katrabaho nilang PO1 kaya dali-daling nagbihis ang dalawa. Nagpambuno pa ang PO2 at lalaking PO1, hanggang sa kumuha ng baril ang huli. Pumutok ang baril sa gitna ng agawan pero walang tinamaan kaya sinampahan ng kasong frustrated homicide ng lalaking PO1, ani Esmero.

Bukod sa mga kinakaharap na kaso laban sa kanila, dinisarmahan na rin ang lalaki at babaeng PO1, aniya.

Read more...