PURING-PURI nina Rommel Padilla at Karla Estrada ang kanilang anak na si Daniel Padilla. Kahit daw sikat na sikat na ito at kumikita na ng sarili niyang pera, nananatili pa rin itong humble at marespeto sa magulang.
Ayon kay Karla, iyan daw ang isa sa mga qualities ni DJ na ipinagmamalaki niya, mula noon hanggang ngayon ay masunurin at mabait pa ring anak si Daniel. Sa panayam ng morning show ng ABS-CBN na Magandang Buhay, sinabi ni Rommel na nagpapasalamat siya sa kanyang anak dahil sa kabila ng tinatamasa nitong kasikatan ay hindi pa rin ito nakakalimot sa kanyang pinagmulan.
“Mabait na bata si DJ, marespeto. ‘Yung lahat naman ng sinabi namin kung paano maging mabuting anak, lahat naman sinunod niya,” aniya na kahit daw nagkahiwalay sila ng nana nitong si Karla ay hindi ito naging rebelde o pasaway na anak.
Dagdag pa ng aktor, walang masyadong nagbago kay DJ simula pa noong bata pa ito, “Hindi masusukat ang pagiging proud ko as his father kasi nakita ko sa kanya na kahit nandoon na siya, at alam kong lalaki pa siya, e ganun din naman din ‘yong pagyuko niya – sa pamilya, sa mommy niya, sa akin, sa mga kapatid niya, especially sa mga taong nagmamahal sa kanya.”
Natanong din ang utol ni Robin Padilla kung ano ang maipapayo niya sa Kapamilya matinee idol pagdating sa lovelife, balita kasing matagal nang dyowa ni DJ ang kanyang ka-loveteam na si Kathryn Bernardo.
“Kung sino ‘yong alam niyang makakapagpatibok ng puso niya, at sisiguraduhing hindi lang siya ang mamahalin, at mamahalin din ‘yong kabuuan niya, ‘yong pamilya niya at mga mahal niya sa buhay,” chika pa ni Rommel.
Kasalukuyang nasa Barcelona, Spain ngayon sina Kathryn at Daniel para sa next movie nila together under the direction of Olivia Lamasan for Star Cinema. In fairness, talagang pinagkaguluhan daw ng mga kababayan natin sa Spain ang KathNiel nang dumating sila doon para sa ilang linggong shooting.
Samantala, kahit nga hindi na aminin nina Kathryn at Daniel na meron na silang relasyon, mas naniniwala ang kanilang fans na matagal na silang may relasyon. Mas pinili lang nila na manahimik muna para iwas intriga. Mas gusto nilang gawing pribado ang kanilang love affair.