NGAYONG Father’s Day, ihahatid ng Kapuso Mo, Jessica Soho ang isang nakakaantig na kuwento ng mag-ama mula sa Leyte. Sa kabundukan ng Hindangan isang limang taong batang babae ang araw-araw umaakyat sa matarik na bundok.
Gamit ang sanga, inaakay niya ang ama niyang bulag papunta sa pinagtatrabahuan nito sa kakahuyan. Ano nga ba ang kayang gawin ng isang ama at isang anak para maitaguyod ang kanilang pamilya kahit pa nagdidilim na ang mundo nila?
Samantala, muli na namang ipamimigay ni Jessica Soho ang ilan sa kanyang mga damit. At dahil pasukan na naman, ang target mabahaginan ngayon ay ang ilan sa mga dakilang guro na talaga namang kahanga-hanga. Usap-usapan sa iba’t ibang bahagi ng Middle East, ang soap opera na Saq Al-bambu (The Bamboo Stalk) na kuwento ng isang Pinay maid na nagtatrabaho sa Kuwait.
Ang mga Kuwaiti netizen, pinuri ang ganda at husay umarte ng isa mga Pinoy cast nito na si Mercedes Cabral na binansagang “Indie Princess of Philippine Cinema”. Paano nga ba napasama si Mercedes sa proyektong ito? Sa social media naman, basta may kung anong palpak o bulilyaso, madalas mabasa ang mga katagang, “Kagagawan na naman ng Yokai ito!” Ano nga ba ang Yokai?
Lahat na ‘yan ay mapanood sa Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong Linggo pagkatapos ng Ismol Family sa GMA 7.