HINDI na sinikatan ng araw ang isa pang suspek sa UV Express robbery-rape incident sa Quezon City nang ito ay mabaril at mapatay ng pulisya matapos mang-agaw ng baril Biyernes ng madaling araw.
Nakatakda sanang dalhin sa ospital para maisailalim sa pasusri ang suspek na si Alfie “Buddy” Turado nang siya ay mang-agaw nang baril ng otoridad.
Ayon kay Sr. Supt. Joselito Esquivel, Deputy District Director for Operation ng Quezon City Police District (QCPD), matapos maaresto sa kaniyang bahay sa Pasong Tamo sa Quezon City, nadala pa si Turado sa himpilan ng pulisya.
Nagkita pa aniya doon si Turado ang isa pang suspek na si Wilfredo Lorenzo na nauna nang naaresto ng mga otoridad.
Pagdating sa prisinto, sinabi ni Esquivel na nagtalo pa sina Lorenzo at Turado at nagturuan sa pananagutan sa krimen.
Matapos ito, hiniling umano ni Turado na madala siya sa ospital dahil sa bugbog na tinamo niya mula sa mga residenteng kumuyog sa kaniya nang siya ay madakip.
Ayon kay Esquivel, habang nasa biyahe patungo sa pagamutan ay tinangka ni Turado na agawin ang baril nang isa sa mga pulis dahilan para siya paputukan ng isa pang pulis.
Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at leeg si Turado na bagaman nadala pa sa ospital ay binawian din ng buhay.
Itinanggi pa ni Turado na ginawa rin niya ang panggagahasa at sa halip ay sinabing siya lamang ang nagmaneho ng UV express.
Pero sinabi ni Esquivel na kapwa ginahasa nina Turado at Lorenzo ang dalawang biktima.