Double standard sa babae, lalaking OFW na tumakas

MASA madalas nating mabalitaan na may mga babaeng OFW ang tumatakas sa kanilang mga amo dahil sa sobrang lulupit ng mga ito.

Oo, kadalasan babae. Pero meron din namang lalaki ang tumatakas din sa kanilang malulipit na employer.
E, ano nga ang pagkakaiba kung babae o lalaki ang tumatakas sa kanilang employer?

Ganito ang kaso ng isang OFW na nakilala natin sa pangalang Steve. Napabalitaang natulog sa tabing dagat sa Saudi Arabia. Napilitan siyang tumakas dahil iba ‘anya ang pinatatrabaho sa kaniya gayong ang pinirmahan niyang kontrata ay pagiging isang tubero.

Nang dumating siya sa Saudi, hindi tubero kundi tile setter ang kanyang naging trabaho, at aminado siyang hindi niya alam ang trabahong iyon.

Ang layo nga naman nito sa pagiging tubero. Palibhasa’y walang sapat na kaalaman at karanasan sa pagiging tile setter, pinagbayad pa siya ng amo sa mga tiles na hindi niya naikabit ng tama.

Hanggang sa wala na siyang kitain, kayat humingi sia ng tulong sa ating embahada ng Pilipinas doon. Humingi siya ng tulong sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).

Nang malaman ng kaniyang employer ang ginawa ni Steve, ikinagalit niya iyon at sinabi pang may kapatid siyang pulis.

Natunugan niyang palalayasin din naman siya ng amo kung kaya’t sa takot, agad siyang tumakas.

Ang malungkot na balita, hindi siya maaaring patuluyin sa ating embahada o temporary shelter man. Dahil hindi ‘anya pinapayagan ang mga lalaking foreign workers na tumuloy at gawing temporary shelter ang mga foreign post.

Di katulad ng mga kababaihan, may may temporary shelter na maaaring tuluyan nila sa mga panahong tumakas sila sa kanilang mga amo.

Kaya’t napilitang matulog na lamang sa tabing dagat si Steve. Wala na rin namang trabaho, kung kaya’t nais na lamang niya na makauwi ng Pilipinas sa lalong medaling panahon.

Ngunit hindi rin madali ang makauwi sa ganyang mga sitwasyon.

Kapag tinakasan ng isang OFW ang kaniyang employer, mas gigipitin nila ito. Alam kasi nilang sila rin ang magiging susi kung makakauwi o hindi ang OFW.

May batas kasi sa Saudi na tanging ang employer lamang ang siyang makapagbibigay ng exit clearance upang makakuha ng exit visa ang OFW palabas ng Saudi.

Ito ang madalas na problema ng ating embahada at konsulado sa Saudi Arabia. Nahihirapan silang makakuha ng exit visa para sa ating mga kababayang wala nang trabaho doon, lalo pa kung hindi na matagpuan o tinakasan na rin ng mga employer ang kanilang mga manggagawa at sadyang gipitin ang mga iyon na hindi makauwi ng Pilipinas.

Tanong nga ng Bantay OCW nang una naming marinig na bawal patuluyin ang mga lalaking OFW… Sagot ng ating opisyal .. Mga lalaki naman sila, at hindi masyadong delikado para sa kanila na magpalaboy-laboy.

Hindi kami makapayag sa ganoong pangangatwiran. Ang sa amin, mapalalaki o babae man, at kahit ano pang lahi, buhay ang sinasalba nila kung agad matutulungan ang mga iyon. At ang pagpapatuloy ay unang hakbang lamang para mabigyan ng proteksyon ang isang taong natatakot. Kaya nga tumakas dahil may kinatatakutan.

Read more...