O, Chiz ko!

ANO ba naman ito, Di ba…? O pare ko, meron ka bang problema?  Ano ang nangyari, Chiz Escudero?  Nang bisita ka namin sa Bandera, tigib ka ng pag-asa at parang ikaw na, at mismong katauhan mo, ang Nationalist People’s Coalition.  Ikaw na ang NPC at ang NPC din si Chiz.  Parang di puwedeng ihiwalay.  Parang kambal-tuko.
Pero, bakit ganoon?  Sa isang iglap ay umalis ka ng bahay at iniwan mo ang NPC.  “Contrary to expectations,” anang bungad ng Philippine Daily Inquirer, kapatid na lathalain ng BANDERA.
Umalis ka na sa NPC, binitin mo pa ang inaasahan ng karamihan (kahit na ilan sa kanila’y di mo naman supporter), na ihahayag mo kahapon ang iyong desisyon na tumakbo sa pagkapangulo (paano ang mga tumawag sa iyo ng “Pres. Chiz?”)
Masama ba ang naging karanasan mo (sa huling sandali, kamakalawa ng gabi) sa NPC at sa iyong pahayag ay wala ka nang partido, wala pang Danding Cojuangco?  Ang sabi mo, ang partido mo ay ang buong Pilipinas.
Meron ba noon?  Pero, nang sumabak ka sa politika ay may partido ka, tulad ng iyong ama, ang Kilusan ng Bagong Lipunan.  Kapag inilarawan mo ang NPC noon ay walang sinabi ang iba pang partido, lalo na ang partido ng pangulong kung ilang beses mong nais na ma-impeach.
“Nais ko pong ipabatid sa inyo na ako ay nagpaaalam na at nag-resign na bilang miyembro ng Nationalist People’s Coalition o NPC, ang partidong kinabibilangan ko (si)mula pa noong 1998,” pahayag mo sa press conference sa Club Filipino.
Muntik ka na ngang mapikon sa makukulit na media, na tinanong ka (wala man lang nangumusta sa iyo kung okey ka lang) kung sino ang iyong magiging bise at senatorial slate.
Tama ang ginawa.  Humingi ka ng panahon para mag-isip, magmuni-muni, magpasya.  “Hiling ko po ay panahon para ako ay magpasya ako bilang ako at hindi diktado o hindi sinasabihan ng sinuman,” ayon sa iyong pahayag.
Sige Chiz, sa iyo muna ang lahat ng panahon sa mundo.  Tutal, sinabi mo na “ako ay ako at wala nang iba… walang partidong magdidikta.”
Sige Chiz, sabihin mo na lang kung kailan ang panahon ng iyong pagpapasya.  Kung naubos na ang panahon sa iyong pag-iisip.
At kung may panahon pa bang nalalabi.

Lito Bautista, Executive Editor
BANDERA, 102809

Read more...