SSS loan para sa pag-aaral

MAGANDANG araw po. Ako po si Graciel Sarmiento ng Davao City. Itatanong ko lang po sana kung pwede na po ba mag-apply ng educational loan. Marami po kasi akong mga kapatid na gustong gustong mag-aral pero hindi ko po kayang paaralin hindi po sapat ang kita ko para mapaaral silang lahat.

Sampu po kami at pangalawa po ako sa panganay at may mga anak na rin po ako at wala na po ang ama namin. Nag-asawa na rin po ang ina namin kaya kami na lang po ng panganay na kapatid ko ang nagbibigay ng sustento sa kanila.

Natatakot po kasi ako sa mga kapatid ko na baka po mapasama kasi parang nagdodroga ang kanilang mga barkada. Ayaw ko po na mangyari sa kanila iyon.

Nag-inquire ako last year at ang sabi wala na raw ang education loan.

Wala na po akong work ngayon kaya maaari pa ba ako maging member-borrower? If not, ano po dapat ko gawin para maka-apply poo para mapaaral ko po mga kapatid ko?

Please sana matulungan n’yo po ako. I know hindi lang ako ang humiling nang ganito pero sana naman po mapansin ninyo ito.
Maraming
salamat po.
Lubos na gumagalang,
Graciel Sarmiento

REPLY: Ito ay tungkol sa inyong e-mail kaugnay sa katanungan ni Graciel Sarmiento ng Davao City ukol sa educational loan ng SSS.

Upang makatulong sa mga miyembro, inilunsad ng SSS noong 2012 ang Educational Assistance Loan Program o Educ-Assist. Ito ay isang programa para makautang ang mga miyembro at matustusan ang pag-aaral ng kanilang dependents. Kada semestre, ang pinakamalaking mauutang ng miyembro ay P20,000 para sa kolehiyo at P7,500 naman para sa vocational o technical courses.

Maaaring makakuha ng educational loan ang miyembro na nakapaghulog ng di bababa sa 12 kontribusyon, at mayroong kahit isang buwanang kontribusyon na naihulog sa nakalipas na tatlong buwan bago ang aplikasyon.

Magsisimula ang pagbabayad ng Educ-Assist pagkalipas ng isang taon mula sa pagtatapos ng benepisyaryo. Para sa kumuha ng kurso sa kolehiyo, binibigyan ang miyembro ng limang taon upang bayaran ang utang habang ang mga kumuha ng vocational o technical courses ay may tatlong taon upang magbayad.

Ito ay may 6% na interes kada taon at 1% penalty kada buwan kung hindi mababayaran ang utang.
Maaaring kumuha ng educational loan para sa pag-aaral ang mismong miyembro, ang kanyang legal na asawa at mga anak o mga kapatid. Kung nais ng isang miyembrong mag-apply sa nasabing loan, dapat siyang magprisinta ng mga sumusunod:

1. SSS ID o dalawang (2) valid IDs

2. Accomplished application form

3. Assessment/Billing statement mula sa paaralan ng miyembro o benepisyaryo

4. Proof of monthly salary/income o payslip (para sa mga employed)

5. Income Tax Return o affidavit of income (para sa mga self-employed/voluntary members)

Maaari namang mag-apply si B. Sarmiento ng Educ-Assist kung kanyang natugunan ang mga hinahanap na kwalipikasyon. Ngunit, ang kanyang aplikasyon ay makakasama sa waiting list at ipoproseso lamang sa sandaling magkaroon ng pondong maipapautang.

Sa kasalukuyan, ang SSS ay hindi pa nagpoproseso ng bagong aplikasyon para sa Educ-Assist dahil paunang pondo para sa programa ay inilaan sa mga miyembro na nag-apply noong 2012.

Nawa’y nabigyan po namin ng linaw ang bagay na ito.
Salamat po.
Sumasainyo,

MAY ROSE DL. FRANCISCO
Social Security Officer IV
Media Monitoring and Feedback
Media Affairs Department

Noted:
MA. LUISA P. SEBASTIAN
Assistant Vice
President
Media Affairs
Department
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...