Jose Manalo bilang ‘Rodney Duterte’: Ayaw ko siyang gamitin pang-hanapbuhay
HANGGA’T maaari ay ayaw gawing hanapbuhay ni Jose Manalo ang panggagaya kay President-elect Rodrigo Duterte. Patok na patok kasi ngayon ang karakter niyang Rodney Duterte sa Sunday PinaSaya ng GMA.
Noong simulan niya ito sa nasabing Sunday show ng Siyete ay talagang nag-trending agad ito, at umani ng magagandang komento mula sa mga manonood at netizens.
Sa presscon ng bagong Kapuso sitcom nina Jose at Wally Bayola na pagbibidahan nina Vic Sotto at Ai Ai delas Alas na Hay Bahay! natanong si Jose kung six years ding tatakbo ang karakter niyang Rodney Duterte kasabay ng termino ni Digong sa Malacañang, tugon ng komedyante, “Yung concept ng Sunday PinaSaya, pictorial pa lang, meron na talaga nun, kaya lang hindi pa naumpisahan.
“Noong uumpisahan namin, malapit na ang eleksyon, tinanggihan ko. Sabi ko, ‘Wag muna, baka mamaya maging biased tayo, baka meron tayong pinoproteksyunan.’ And, of course, Tito Sen (Sen. Tito Sotto), siyempre kung nasaan si Tito Sen, nandoon kami. Irespeto pa rin natin, katrabaho kami,” paliwanag niya.
Kaya nu’ng nanalo na si Digong ay saka lang nila ito sinimulan, “Ginawa na namin, pinanood ko lang yung mga video niya. Kahit hindi ko siya pinanood bago ako sumalang, pinakikinggan ko lang ang boses niya.
“Kung tatagal, okey lang, pero ayoko siyang gamitin na parang hanapbuhay. Ayoko siyang gawin na magiging show kung saan-saan. Presidente kasi ‘yan at alam natin kung gaano kainit ang isyu tungkol sa presidente natin. Gusto ko, kapag pinapanood si Duterte, natutuwa ang tao, hindi nakakatawa. Hindi pinagtatawanan, kasi iba ang natutuwa ang tao sa pinagtatawanan,” aniya pa.
In fairness, talagang sila ni Wally ngayon ang sinasabing lucky charm ng Eat Bulaga, bukod kina Alden Richards at Maine Mendoza, hindi raw kumpleto ang noontime show kung wala sila. Feeling naman ni Jose, “Hindi man ako binigyan ng magandang mukha, hindi man ako sinuwerte sa pag-ibig, eto ang ibinigay sa akin.
“At saka nasanay na rin siguro ko dahil araw-araw kong ginagawa. Buskador talaga ako, so nagamit ko yung kalokohang nakalakihan ko sa Tondo.”
Pero ipinagdiinan naman ni Jose na ang Tito, Vic & Joey pa rin ang talagang haligi ng longest-running noontime show sa Pilipinas, “Hangga’t nandiyan ang Tito, Vic and Joey, Eat Bulaga ‘yan, kahit anong sabihin mo. Kahit sabihin mong magaling si Wally, magaling si Jose, magaling si Alden o si Yaya, Tito, Vic and Joey pa rin. Kapag yung tatlo nawala na, wala na ang Eat Bulaga.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.