Anderson Cooper ng CNN di kinaya ang gay nightclub massacre

anderson cooper

BASAG na basag ang boses ng sikat at magaling na CNN news anchor na si Anderson Cooper habang isa-isa niyang binabanggit ang mga pangalan ng naging biktima sa pamamaril sa isang bar sa Orlando, Florida ni Omar Mateen.

Sa simula ay kinakaya pa ni Anderson ang pagbabasa sa pangalan ng mga nasawi, pero sa isang punto ay bigla na siyang napahinto, hindi na kinaya ng magaling na news anchor ang sobrang kalungkutan. Sa kabila ng kanyang popularidad sa buong mundo ay hindi nahiyang umamin si Anderson Cooper tungkol sa tunay niyang kasarian. Nakikipaglaban siya para sa karapatan ng LGBT community.

Nakakarimarim ang pagpatay na naganap sa Orlando, parang manok lang na pinagbabaril ng sinasabing namumuhi sa mga bading at tomboy na si Omar Mateen ang mga kabataang nagsasaya sa isang bar. May dalawang nabuhay sa matinding krimen, ang isang ininterbyu ng CNN ay nagtago sa banyo habang nagaganap ang pamamaril, ang isa nama’y nagpanggap na patay na rin at pumailalim sa mga nakatihayang bangkay.

Wala kaming mailalapat na tamang salita sa ganitong uri ng krimen. Ano ang kasalanan ng mga inosenteng becki at tomboy na nagsasaya lang naman para lipulin ng demonyong mamamatay-taong ‘yun? Wala itong iniwan sa naganap ilang taon na ang nakararaan sa Virginia nang walang habas ding lipulin ng isang sira-ulo ang mga estudyante na parang mga manok na taguan nang taguan sa ilalim ng mga mesa.

Read more...