Patay ang isang security guard nang maputukan ng baril na pinaglaruan ng guwardiya rin niyang pinsan, sa Batac City, Ilocos Norte, kahapon, ayon sa pulisya.
Ikinasawi ni Inocencio Menor, 26, ang tama ng balang pumasok sa kanang bahagi ng dibdib at tumagos sa likod, ayon sa ulat ng Ilocos Norte provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-12 ng madaling-araw Martes sa gusali ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PHILFIDA) sa Brgy. 17 Tabug, kung saan nakadestino bilang guwardiya si Inocencio at pinsang si Aldwin Menor.
Lumabas sa imbestigasyon na bago iyon ay nag-inuman ang mag-pinsang guwardiya, hanggang sa paglaruan ni Aldwin ang kanyang kalibre-.38 revolver.
Isinugod pa si Inocencio sa Mariano Marcos Memorial Hospital, pero di na umabot nang buhay.
Nadakip ng mga elemento ng Batac City Police si Aldwin, na ngayo’y nakaditine habang hinahandaan kaukulang kaso.
MOST READ
LATEST STORIES