Wish ng seafarer kay Duterte

BRUGGE, Belgium – Sa ilang oras na pananatili natin sa Dubai, masaya nating nakakuwentuhan ang anim na mga Pinoy seafarer na nakasabay ko sa airport patungong Belgium.

Naimbitahan ang Bantay OCW na dumalo sa selebrasyon ng Independence Day sa Belgium at Luxembourg ni Philippine Ambassador Victoria Bataclan.

Kaya naman sa maikling sandali na nakapiling natin ang ating mga seafarer, inalam natin kung gaano na ba sila katagal na sumasakay ng barko.

Ang isa sa kanila, 22 mga taon na, may 18 taon, karamihan ay wala pang limang taon, at mayroong isang first timer.

Nagpaabot ng kani-kaniyang mensahe ang mga kababayan nating marino. Mataas umano ang kanilang pag-asa sa papalit na bagong administrasyong Duterte. Naniniwala silang may mababago sa sistema, patakaran at pamamalakad ay may kinalaman sa hanay ng mga marino.

Ngunit may mga nabanggit din silang mga kahilingan. Pakiusap sana nila, alisin na ang expiration date sa kanilang mga seaman’s book, tulad umano ng patakaran sa ibang mga bansa.

Kung posible iyon sa ibang bansa, bakit hindi puwede sa Pilipinas? Kung kulang na umano ng pahina sa kanilang seaman’s book, saka na lamang sila magpapagdagdag at iyon na lamang daw ang nakatakdang bayaran.

Gayong naniniwala sila, tulad din ng Philippine passport na may limang taong validity, tanong lamang nila kung maaari bang hindi na kada-limang taon ang kanilang renewal.

Binanggit pa nilang, “once a seafarer, always a seafarer” o “once an OFW, always an OFW”.

Sa simpleng pagtingin ng isang marino, napakalaking tulong nito, bukod pa sa mga panahong ginugugol sa pagkuha ng panibagong seamans book, menos gastos pa.

Kung hindi man nila maisakatuparan ito, sana man lamang, maikonsiderang pag-aralan iyon para sa hinaharap.

Hirit din nila, ipatupad ng Marina ang mga panuntunang una nang pinatutupad ng PRC bago pa mailipat ang kapangyarihan nito sa naturang ahensiya.

May mga nauna na ring pahayag ang bagong uupong Pangulo na suportado niya at isusulong nito ang pagbuo ng Department of Overseas Filipino Workers.

Gayong may mga tutol sa naturang panukala, ibang-iba naman kasi ang konsepto sa seabased at hindi iyon kaparehas sa landbased workers.

Iyan ang mga aabangan ya ng ating mga marino sa susunod na anim na taon sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Duterte.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM simula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com

Read more...