Pasaway na driver dapat kastiguhin ni Digong

MUKHANG magiging isang hamon sa papasok na Duterte administration ang mga driver ng pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue— ang killer highway ng Metro Manila.

Ngayong alam ng mga bus driver na paalis na ang mga nakapuwesto sa Metropolitan Manila Development Authority kasabay nang pagbaba ni Pangulong Aquino sa Malacanang, parang nakakawala sa kural ang mga bus driver.

Noong natututukan pa sila nang husto, sumusunod sila sa yellow lane policy ng MMDA. Doon lang sila sa loob ng yellow lane ng Commonwealth Avenue bumibiyahe.

Nilagyan din ng harang ng MMDA ang yellow lane para hindi sila makalabas-masok.

Pero ngayon ay tila naging color blind na ang mga bus driver (hindi naman lahat pero marami).

May mga bus na pumupunta sa innermost lane at biglang kakabig na parang sila lang ang sasakyan sa buong kalsada para makabalik sa outer lane para makakuha ng pasahero.

Walang magawa ang ibang mas maliliit na sasakyan kundi pumreno kesa maararo sila ng bus. Kung mababangga ka ay lugi ka pa kasi ikaw yung nasa likuran— sa ilalim ng ating batas dapat ikaw ang umiwas.

Ginagawa nila ito para magulangan ang kanilang mga kapwa bus driver at sila ang makakuha ng pasahero sa halip na ang nakapila sa yellow lane.

Sa Davao City ay sumusunod ang mga driver ng sasakyan pribado ka man o pampubliko. Alam nila na huhulihin sila kapag lumabag kaya naman binabantayan nila nang mabuti ang kanilang mga speedometer dahil lagot sila kapag nagpatakbo nang mabilis.

Ipinatutupad sa siyudad ang 30-40- at 60 kilometer-per-hour depende sa kalsada na iyong dinaraanan.

Kung pasahero ka, mararamdaman mo na nakalabas ka na sa siyudad kapag mabilis na ang takbo ng sasakyan.

Kung ang mga taxi driver ay binabalaan ni Duterte na parurusahan kapag hindi nagbigay ng sukli, ano kaya ang plano ng kanyang administrasyon sa mga pasaway na bus driver.

At huwag din nating kalilimutan ang mga pampasaherong jeepney. Marami rin sa kanila ang pasaway sa kalsada.

Hindi rin lahat ng jeepney driver ay disiplinado. Marami sa kanila ang kung saan-saan humihinto sa pagkuha at pag nagbababa ng pasahero.

Minsan kung papara ka sasabihan ka ng driver na “sa babaan lang po para hindi ako mahuli” kahit wala namang manghuhuli. Pero kung mayroong nakitang umpukan ng tao kahit na hindi pumapara ay hihintuan.

Ayaw lang palang huminto hindi dahil bawal, kundi dahil baka maunahan ng ibang jeepney sa umpukan ng tao.

Ano kaya ang plano sa kanila ng Duterte administration para sila ay madisiplina?

At nandiyan din ang mga pasaway na tricycle driver.

Hindi maitatanggi na marami sa kanilang pasaway at kapag nakasagi ay kakamutan lang ng ulo ang naabala at sasabihing sorry.

Bukod sa kawalan ng disiplina ng maraming bus, taxi, jeepney at tricycle driver, marami rin sa kanila ay suki ni mamang drug pusher.

Ang katwiran ng iba, kailangan nilang mag-shabu para hindi makatulog habang nagmamaneho kapag gabi.

Pero di ba hindi ka dapat magmaneho kapag inaantok ka dahil nalalagay sa alanganin ang buhay ng iyong mga pasahero at ang buhay ng iba pang motorista sa kalsada?

Read more...