INAMIN ni Kristine Hermosa na “biktima” rin siya ng hindi magandang sistema sa mundo ng showbiz, lalo na noong nagsisimula pa lang siya.
Nasa GMA 7 na ngayon ang dating Kapamilya actress, kasama siya sa bagong weekly sitcom ng network na Hay Bahay! na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Ai Ai delas Alas. Ka-join din dito ang asawa niyang si Oyo Sotto.
Sa presscon ng nasabing programa kamakalawa, sinabi ni Kristine na ayaw na niyang gumawa ng mabibigat na teleserye, ayaw na raw kasi niya ng iyakan. Kaya nga niya tinanggap ang Hay Bahay! sa GMA dahil bukod sa kasama niya si Oyo at ang kanyang father-in-law na si Bossing pati na rin si Ai Ai, ay light lang ito at hindi patayan ang taping.
“Madrama na sa buhay, bawasan na natin. Pati ba sa trabaho, kailangan ba iyakan pa rin?” ani Tintin.
Dagdag pa niya, “Sa totoo, kahit noong nagdadrama pa ako, gusto ko na talaga ng comedy. Kaya nga noong isinama nila ako sa movie, sa ‘Enteng Kabisote’ dati, parang yun ang pahinga ko. “Kasi, di ba, nagte-teleserye rin ako that time? So, every time may shooting kami, parang yun ang rest ko kasi nakakapag-action ako doon, may comedy na eksena. Gusto ko na talaga ‘yun ever since,” aniya pa.
“Depende pa rin naman kung saan ako dadalhin ni God, kung gusto pa ba Niya ako gumawa ng drama. Hindi ko talaga masabi pa. Parang as of now, masaya ako sa ganito. Okay ako na relaxed lang. “Pinagpe-pray ko rin ang system ng industry. Ayaw ko ng magulo. Gusto ko kapag nagtrabaho ako, kalmado lahat ng tao, walang murahan, hindi nagbabastusan.
“Kasi, nakaka-degrade ‘yon ng pagkatao. Dinanas ko kasi ‘yan, kaya alam ko kung gaano kadumi rin ang industry. I really pray na talagang malinis na. Kung dumating ang panahon na yun, baka um-all out ako, baka ganahan akong bumalik ulit nang full blast,” esplika pa ng misis ni Oyo.
Nilinaw din ni Kristine na wala siyang network contract sa GMA, co-produced ng M-ZET TV Productions at ng GMA ang Hay Bahay! at nagpasalamat daw siya nang maayos sa Star Magic bago siya tuluyang lumipat sa Siyete. Matagal na rin daw siyang walang kontrata sa Kapamilya station.
Samantala, magsisimula na ang Hay Bahay! sa June 19, Linggo, pagkatapos ng 24 Oras Weekend. Makakasama rin dito sina Ruby Rodriguez, Jose Manalo, Wally Bayola at marami pang iba, sa direksiyon ni Bibeth Orteza. Ito ang papalit sa nagtapos na Vampire Ang Daddy Ko.
In fairness, napanood namin ang trailer ng Hay Bahay! at mukhang promising naman ang programa dahil ibang-iba naman ang tema nito sa mga nagawa nang sitcom ni Bossing in the past. Idagdag pa ang mga bagong atake nina Wally at Jose at ang natural na akting nina Oyo at Kristine bilang mag-asawa rin sa kuwento.
Samantala, apat na buwan nang buntis ang asawa ni Oyo pero kering-keri pa rin niyang magtrabaho. Sinabi ni Tintin na wala naman siyang problema sa pagbubuntis. Hindi raw maselan ang pagdadalang-tao niya ngayon.
“Salamat talaga sa Diyos dahil maayos ang kundisyon ng katawan ko kaya okey din ang baby. For as long as na kaya kong mag-work okay lang. Tsaka hindi naman mabigat ang taping ng Hay Bahay! so masaya lang, walang mabibigat na eksena,” aniya pa.